MANILA, Philippines – Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang bagong dagdag-sahod para sa mahigit 313,000 minimum wage earners at kasambahay sa Ilocos Region at Cagayan Valley.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules, Nobyembre 25, aabot sa 313,916 manggagawa ang direktang makikinabang sa apat na bagong wage orders.
Kabilang dito ang 177,230 minimum wage earners sa pribadong sektor at 136,686 kasambahay.
Sa Ilocos Region, magtataas ng ₱35 hanggang ₱40 ang arawang minimum wage sa ilalim ng Wage Order No. I-25.
Para sa mga non-agricultural establishment na may 10 o higit pang empleyado, tataas mula ₱505 patungong ₱545 ang minimum na sahod kada araw.
Samantala, ang mga manggagawa sa agrikultura at mga non-agricultural establishment na may mas kaunti sa 10 empleyado ay makatatanggap ng kabuuang ₱35 na dagdag-sahod sa dalawang yugto.
Sa ganap na pagpapatupad nito, magiging ₱515 ang kanilang arawang minimum wage mula sa dating ₱480.
May dagdag ding ₱450 kada buwan ang mga kasambahay sa Ilocos, kaya tataas mula ₱6,700 patungong ₱7,150 ang kanilang minimum na buwanang sahod.
Inaasahang magiging epektibo ang mga bagong wage order sa Ilocos sa Disyembre 14, 2026.
Sa Cagayan Valley, inaprubahan naman ang ₱30 hanggang ₱40 na dagdag sa arawang minimum wage, na ipatutupad din sa dalawang yugto.
Tataas sa ₱540 mula ₱500 ang arawang minimum wage sa Tuguegarao, Cauayan, Ilagan at Santiago, habang magiging ₱530 naman sa iba pang munisipalidad sa rehiyon.
Para sa mga kasambahay sa Cagayan Valley, magkakaroon ng ₱500 dagdag sa buwanang minimum wage, mula ₱6,500 patungong ₱7,000.
Inaasahang magsisimula ang pagpapatupad ng mga bagong wage order sa Cagayan Valley sa Disyembre 16.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, dumaan sa pag-aaral at konsultasyon ang mga wage adjustment bago ito inaprubahan.
Samantala, maaari ring makinabang ang mahigit 602,000 iba pang manggagawa mula sa mga pagsasaayos ng sahod na gagawin ng mga kompanya upang maiwasan ang wage distortion. Mary Anne Sapico