Home NATIONWIDE Pilipinas, humiling ng 6 bagong Chinook helicopter mula sa US

Pilipinas, humiling ng 6 bagong Chinook helicopter mula sa US

3
0

MANILA, Philippines – Pormal nang humiling ang Pilipinas sa Estados Unidos ng anim na bagong Boeing CH-47 Chinook heavy-lift helicopter sa ilalim ng $2-bilyong military financing package na naunang inanunsyo ni US President Donald Trump.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., sa panayam sa Camp Aguinaldo, makatutulong ang mga helicopter na palakasin ang airlift capability ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular sa pagdadala ng mga sundalo, mabibigat na kagamitan at sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kasama rin sa kahilingan ang integrated logistics support at pagsasanay para sa mga crew. Unang itatalaga ang mga helicopter sa Philippine Air Force (PAF).

Ayon kay Teodoro, kayang magdala ng isang Chinook ng halos apat na beses na kargamento kumpara sa Black Hawk, kaya mas mabilis ang pagkakarga at paglilipat ng mabibigat na kagamitan.

“A Chinook can carry about 4 times a Black Hawk, so it saves you time, and it saves you logistical space, kasi hindi minamano-mano ‘yan. Nilo-load na lang ‘yan ng lifter, ng loader,” ani Teodoro.

Dagdag pa niya, kaya ring magbuhat ng Chinook ng malalaking kanyon at mga sasakyang may sakay pang pasahero.

“Kapuluan ito—kailangan natin ng mga ganyang capability,” dagdag ng kalihim.

Posibleng maihatid ang mga helicopter pagsapit ng 2029 kung papayag ang Washington na magbigay ng waiver upang mailipat sa Pilipinas ang anim na Chinook na orihinal na inilaan para sa US Army.

“Kung makakakuha tayo ng waiver, it’s 2029. Kung hindi, mga six years [ang delivery]. Merong nakalaan para sa US Army na iilan. Kung i-waive nila ang anim dun, tapos uunahin [ang Pilipinas]. These are brand new,” paliwanag niya.

Tumanggi namang magbigay ng iba pang detalye si Teodoro tungkol sa $2-bilyong financing package at sinabing ang pagbili ng Chinook helicopter lamang ang maaari niyang kumpirmahin. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here