MANILA, Philippines – Ipinahayag ng isang kapwa akusado ni Sen. Jinggoy Estrada sa limang bilang ng graft na inutusan siyang pumirma sa mga disbursement voucher (DV) para sa pagpapalabas ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng senador kahit hindi siya ang itinalagang signatory.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan Fifth Division, sinabi ni Sofia Cruz, chief financial specialist ng binuwag nang National Livelihood Development Corp. (NLDC), na inatasan siya ng kanyang superior na si Evelyn Sucgang na pumirma dahil wala pang permanenteng nakatalaga sa posisyon.
Ayon kay Cruz, pumirma siya sa mga voucher matapos tumangging lumagda ang isang nagngangalang “Lolita,” na itinalaga bilang signatory. Nangamba rin umano siyang mawalan ng trabaho kapag tumanggi siyang pumirma.
Gayunman, sinabi niyang may pagkakataong naaprubahan ang isang disbursement voucher kahit hindi siya lumagda rito.
Bago pumirma, dumaan umano siya sa checklist na inihanda ng Asset Management Group ng NLDC.
Ayon sa prosekusyon, nakalaan sana ang mga proyektong pinondohan ng PDAF sa mga gawaing pang-agrikultura, gaya ng pamamahagi ng farm kits at pataba.
Iginiit ni Cruz na wala siyang personal na pakikipag-ugnayan kay Estrada o sa dati nitong chief of staff na si Pauline Labayen tungkol sa mga proyekto at memorandum of agreement (MOA) na isinumite ng mga pekeng non-government organization (NGO) na umano’y pag-aari ng nakakulong na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Nalaman lamang umano niya mula sa mga liham na nakatuon sa noo’y Senate President na naglaan ng PDAF si Estrada. Wala rin siyang personal na kaalaman kung sino ang nagpasimula ng mga proyekto.
Nang tanungin ng depensa kung paano niya natiyak na tunay ang checklist, sinabi ni Cruz na hindi bahagi ng kanyang tungkulin ang beripikahin ang pagiging awtentiko nito.
Nagkasundo rin ang prosekusyon at depensa na hindi kailanman nakita ni Cruz na lumagda si Labayen sa mga MOA para sa mga proyektong saklaw ng mga kasong kinakaharap ni Estrada.
Nahaharap si Estrada sa 11 bilang ng graft sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P183 milyon mula sa PDAF.
Nahaharap din siya sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project. RNT/MDS