Home NATIONWIDE Kaligtasan, proteksyon, at kapakanan ng taumbayan, ipinag-utos palakasin ni PBBM

Kaligtasan, proteksyon, at kapakanan ng taumbayan, ipinag-utos palakasin ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na palakasin ang kaligtasan, proteksyon at kapakanan ng taumbayan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pakikipag-ugnayan sa barangay ay isang hakbang sa ligtas na komunidad, police visibility, barangay mobilization para sa mas protektadong mamamayan.

Ang paglilingkod aniya ng mga kapulisan sa bayan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kung hindi pati sa pag-aaruga, paggabay, at pagbibigay proteksyon sa bawat mamamayan, lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Ito ani Castro ang pinatunayan ng Police Regional Office – Cordillera Administrative Region sa pangunguna ni Regional Director, Police Brigadier General Noel Vallo.

“Kaninang umaga, matagumpay na inilunsad ng PRO CAR ang kanilang “Project Patnubay” sa Jack’s Center, Betag, La Trinidad. Nakasentro ang programa sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong at atensyon lalo na ang mga kabataan, senior citizens, persons with special needs, kababaihan at iba pang vulnerable sectors,” ang sinabi ni Castro.

Sa pamamagitan aniya ng mas aktibo at makataong pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa komunidad, layunin din nitong matukoy agad ang mga nangangailangan ng tulong, mabigyan ng angkop na aksyon, maiugnay sa mga kinauukulang ahensiya at matiyak na nasusubaybayan ang kanilang kalagayan.

Isasagawa aniya ang proyektong ito sa pamamagitan ng regular na pagbisita at pakikipag-ugnayan sa mga barangay, pagtukoy sa mga nangangailangan ng tulong, pagpapalaganap ng impormasyon, pagsasanay sa mga tauhan at pagtatag ng maayos na sistema ng referral at monitoring.

“Ang ating mga kapulisan ng PRO CAR ay maasahan sa lahat ng pagkakataon. Sa kanilang report, umabot sa halos two billion pesos ang kabuuang halaga ng mga nasabat na illegal na droga mula January 1 hanggang November 15 ngayong taon, habang nasa 393 katao ang nahuli mula sa halos isang libong operasyon laban sa illegal na droga,” ang sinabi ni Castro.

Umabot na rin aniya sa 1,686 ang kabuuang nahuli ng mga kapulisan kabilang na dito ang 350 most wanted at 1,336 na iba pa. Naitala rin ang mababang crime rate sa nsabing rehiyon at nabawasan din ang bilang ng kaso ng theft at robbery.

“Pero sa likod ng tagumpay na ito ng PRO CAR, tuluy-tuloy pa rin ang kampanya ng mga kapulisan laban sa kriminalidad,” ang sinabi ni Castro.

“Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kapulisan, pamahalaan, at komunidad, naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na mabubuo ang isang lipunang walang naiiwan kung saan ang bawat indibidwal ay ligtas, pinahahalagahan, pinakikinggan at natutulungan.

Mas mapayapang lugar, mas kampante ang mamamayan — mas gaganda ang turismo, mas lalago rin ang ekonomiya,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here