MANILA, Philippines – Siyam na lalawigan na sa Bicol Region, Visayas at SOCCSKSARGEN ang nakararanas ng meteorological drought o matinding kakulangan sa pag-ulan ngayong Nobyembre dahil sa umiiral na El Niño, ayon sa PAGASA.
Sa isinagawang climate forum nitong Miyerkules, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kabilang sa mga lalawigang nakararanas na ng tagtuyot ang Albay, Catanduanes, Capiz, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Biliran, Samar at Sarangani.
Batay sa pamantayan ng ahensiya, maituturing na may meteorological drought ang isang lugar kapag nakapagtala ito ng mahigit 20 porsiyentong pagbaba sa pag-ulan sa loob ng limang magkakasunod na buwan, o mahigit 60 porsiyentong kakulangan sa ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Samantala, 29 na lalawigan, karamihan ay nasa Luzon, ang nakararanas ng dry spell o 21 hanggang 60 porsiyentong mas mababang pag-ulan kumpara sa normal na antas sa loob ng tatlong buwan.
Mayroon ding 13 lalawigan na nakararanas ng dry conditions.
Samantala, ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa 29 na lalawigan ang makararanas ng tagtuyot bago matapos ang Disyembre dahil sa inaasahang mas mababa sa normal na pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon at iba pang lugar sa bansa.
Pagsapit naman ng katapusan ng Pebrero 2027, inaasahang makararanas ng mahigit 60 porsiyentong pagbaba sa pag-ulan ang halos buong bansa. Maaari itong magdulot ng tagtuyot sa buong Luzon at Visayas, gayundin sa 12 lalawigan sa hilagang bahagi ng Mindanao.
Posible ring maranasan ng buong Pilipinas ang tagtuyot pagsapit ng katapusan ng Abril 2027.
Pagsapit naman ng katapusan ng Mayo, inaasahang 48 lalawigan, karamihan sa Southern Luzon at Visayas, ang makararanas pa rin ng tagtuyot.
Maging ang Metro Manila ay posibleng makaranas ng drought conditions mula Enero hanggang Abril 2027. Santi Celario