MANILA, Philippines – Nagbabala ang mga senador na posibleng bawasan ang panukalang pondo ng mga ahensya ng pamahalaan kapag hindi dumalo ang kanilang mga pinuno sa deliberasyon ng Senado para ipagtanggol ang kanilang 2027 budget.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, dapat managot ang mga pinuno ng ahensya sa hindi pagdalo sa mga pagdinig, dahil may pagkakataong ilipat sa ibang tanggapan ang pondong hindi nila kayang ipaliwanag at ipagtanggol.
“We’re forewarning them now that there’s a chance na mabawasan po yung budget nila kung hindi po sila sumipot dito,” pahayag ni Zubiri nitong Huwebes.
Iminungkahi rin niyang ilipat o bawasan ang pondo ng mga ahensyang hindi nagpapadala ng kanilang mga pinuno sa deliberasyon at ibigay ito sa ibang tanggapang handang ipaliwanag ang kanilang panukalang gastusin.
Binigyang-diin naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na matagal nang bahagi ng proseso ng pagtalakay sa pambansang budget ang personal na pagdalo ng mga pinuno ng ahensya upang bigyang-katwiran ang kanilang hinihinging pondo.
“Budget nila yan so dapat sila manindigan,” ani Gatchalian.
Gayunman, binigyan ng Senado ng konsiderasyon si Philippine Sports Commission (PSC) Chairperson Patrick “Pato” Gregorio na hindi nakadalo sa deliberasyon ng panukalang P1.9-bilyong budget ng ahensya dahil sa isang pulong sa ibang bansa kasama ang Fédération Internationale de Football Association (FIFA).
Ayon kay Zubiri, tinanggap ng Senado ang paliwanag ni Gregorio dahil nakasalalay sa naturang pagbisita ang posibleng $25-milyong programa para sa pagpapaunlad ng football sa Pilipinas.
Nangako naman umano ang opisyal na haharap siya sa Senado bago aprubahan sa second reading ang panukalang pondo ng PSC.
Tinawag din ni Gatchalian na eksepsyon ang sitwasyon ni Gregorio at hindi dapat gawing dahilan upang maging normal ang hindi pagdalo ng mga pinuno ng ahensya sa budget hearings.
Samantala, pinaalalahanan din ni Sen. Joel Villanueva ang mga opisyal ng pamahalaan na huwag gawing karaniwan ang pagliban sa mga deliberasyon, lalo’t personal na dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagtalakay ng panukalang 2027 budget ng Office of the Vice President (OVP) nitong Huwebes.
Ipinunto ni Villanueva na dapat ipakita ng mga pinuno ng ahensya ang kahandaang ipaliwanag at panagutan ang paggamit ng pondong hinihingi nila mula sa kaban ng bayan.