MANILA, Philippines – Hiniling ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang pagbabalik ng direktang flights mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong El Nido at Coron sa Palawan at Siargao sa Surigao del Norte kasunod ng malaking pagbaba ng bilang ng mga turista at pagkalugi ng sektor ng turismo.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Nobyembre 26, sinabi ni Zubiri na bumaba ang tourist arrivals sa tatlong destinasyon matapos ihinto noong Abril ang mga direktang biyahe mula NAIA.
Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT) na binanggit ng senador, umabot sa 271,720 ang ibinawas sa pinagsamang bilang ng mga turistang bumisita sa El Nido at Coron.
Samantala, halos 60% naman ang ibinaba ng tourist arrivals sa Siargao mula Enero hanggang Setyembre kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dahil dito, hinimok ni Zubiri ang DOT, DOTr at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtulungan upang maibalik ang koneksiyon ng mga pangunahing tourist destination sa kabisera.
Iminungkahi niyang maglaan ng tig-10 flight slots kada araw para sa Siargao, Coron at El Nido.
Ayon kay Zubiri, maaaring makipag-ugnayan ang DOT sa mga may-ari ng resort upang makabuo ng travel packages at mapakinabangan ang mga ilalaang flight slots.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito, sponsor ng panukalang budget ng DOTr, na nangako ang kalihim ng kagawaran na makikipag-usap sa pamunuan ng New NAIA upang pag-aralan ang posibilidad na maglaan ng mga flight slot para sa naturang mga destinasyon.
Bukod sa pagbabalik ng mga direktang biyahe, iminungkahi rin ni Zubiri na gamitin ang Sangley Airport sa Cavite bilang alternatibong paliparan sa halip na higit pang umasa sa Clark International Airport.
Sinabi ng senador na nakipag-usap na siya sa alkalde ng Cavite City na nagpahayag umano ng kahandaang maglaan ng libreng shuttle service mula NAIA patungong Sangley para sa mga pasahero.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba si Ejercito sa accessibility ng paliparan dahil sa makikitid na kalsada at posibleng umabot sa dalawang oras ang biyahe mula Maynila.
Kinuwestiyon naman ito ni Zubiri at iginiit na maaari pang humaba sa apat hanggang limang oras ang biyahe patungong Clark dahil sa trapiko at masamang panahon.
Sinabi niyang dapat pag-aralan ng pamahalaan ang iba pang alternatibong paliparan habang isinasaalang-alang na matagal na proseso ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa mga paliparan. RNT