MANILA, Philippines — Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na ibalik ang halos P1.99 bilyon sa mga konsyumer matapos matuklasan ang sobrang nasingil kaugnay ng halaga ng mga ari-arian ng kumpanya at ilang gastusin para sa benepisyo ng mga empleyado.
Ayon sa ERC, ipatutupad ang refund sa loob ng tatlong buwan, simula sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang kautusan.
Para sa mga residential customer, katumbas ito ng P0.2611 kada kilowatt-hour (kWh) o humigit-kumulang P52 na bawas kada buwan para sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh ng kuryente.
Makikita ang ibabalik na halaga bilang hiwalay na bahagi ng electric bill na may nakasaad na “RAB Refund.”
Nag-ugat ang kautusan sa muling pagsusuri ng ERC sa regulatory asset base (RAB) ng Meralco at sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyong inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE).
Sa naturang desisyon, kinuwestiyon ang paggamit ng replacement-cost valuation sa pagtatakda ng halaga ng mga ari-arian ng Meralco na ginagamit sa pagkalkula ng singil sa kuryente.
Hindi rin pinayagan ng ERC na ipasa sa mga konsyumer ang ilang gastusin sa pensyon at benepisyo ng mga empleyado na kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, makatutulong ang refund upang maibsan ang epekto ng tumataas na generation charges na dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina, paghina ng piso at limitadong suplay ng kuryente.
Binigyang-diin niya na dapat singilin lamang ang mga konsyumer para sa mga gastusing kinakailangan sa pagbibigay ng serbisyo sa pinakamababang makatwirang halaga, alinsunod sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Inaprubahan ng ERC ang kautusan sa pagpupulong nito noong Nobyembre 26, bilang pagsunod sa naging desisyon ng Korte Suprema. Santi Celario