Home NATIONWIDE 2 testigo ng depensa ni VP Sara, sinubpoena ng impeachment court

2 testigo ng depensa ni VP Sara, sinubpoena ng impeachment court

3
0

MANILA, Philippines — Naglabas ang Senate Impeachment Court ng subpoena laban sa dalawang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga transaksyon at operasyon ng Cale88 Foods Corporation, isang kumpanyang inuugnay sa asawa niyang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, nilagdaan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang dalawang subpoena noong Nobyembre 25, 2026, matapos matanggap ang kahilingan ng defense panel sa parehong araw.

Ang mga pinadalhan ng subpoena ay sina Bureau of Customs (BOC) Deputy Commissioner Atty. Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, na iniulat na dating kasosyo ni Carpio sa Cale88.

Inatasan silang humarap sa Senado sa mga pagdinig mula Disyembre 1 hanggang 4, alas-10 ng umaga, at magdala ng mga dokumentong may kaugnayan sa kumpanya.

Ayon kay Tongol, personal na naihatid kay Uvero ang subpoena noong Nobyembre 26, alas-9:05 ng umaga, habang ipinadala naman sa pamamagitan ng email kay Tingson-Lebosada sa Davao City ang kanyang subpoena alas-9:54 ng umaga.

Inaasahang magbibigay ng testimonya si Uvero tungkol sa mga rekord ng pag-export ng Cale88 na nasa kustodiya ng BOC, kabilang ang registration documents at iba pang kaugnay na papeles.

Samantala, tatalakayin ni Tingson-Lebosada ang organizational structure, pagmamay-ari, operasyon, pinansyal na transaksyon at government registrations ng kumpanya.

Inatasan din ang dalawang testigo na magsumite ng tatlong certified true copies ng mga kinakailangang dokumento at kumpletong electronic copies sa tatlong USB flash drive.

Kaugnay ito ng Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth.

Nauna nang lumutang sa mga pagdinig ang mga remittance na natanggap umano ng Cale88 mula sa mga kumpanyang nakabase sa China at Hong Kong, na naging bahagi ng pagsusuri sa mga pinansyal na transaksyon ng kumpanya.

Nilinaw naman ni Tongol na ang dalawang testigo ang paunang isinumite ng depensa para sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Disyembre 1.

Para sa mga karagdagang testigo sa Disyembre 2 hanggang 4, kailangang sundin ng defense panel ang kautusan ng impeachment court na magbigay ng limang araw na advance notice at maghanda ng hindi bababa sa dalawang testigo kada araw ng pagdinig.

Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial laban kay Duterte sa Martes, Disyembre 1, alas-10 ng umaga sa Senate Session Hall sa Pasay City. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here