Home NATIONWIDE DSWD, inatasan ng Senado direktang bumili ng pagkain sa mga magsasaka, mangingisda

DSWD, inatasan ng Senado direktang bumili ng pagkain sa mga magsasaka, mangingisda

3
0

MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin ang direktang pagbili ng mga produktong pagkain mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget noong Miyerkules, Nobyembre 25, pinuri ni Pangilinan ang DSWD sa pagpapatupad ng batas, na maaari umanong maging modelo para sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) na binanggit ng senador, umabot na sa P1.309 bilyon ang halaga ng mga produktong direktang binili ng DSWD mula sa mga magsasaka at mangingisda hanggang Nobyembre 23, 2026.

Iniulat naman ni Senador Risa Hontiveros, sponsor ng badyet ng DSWD, na nasa P1.206 bilyon ang naitalang pagbili sa ilalim ng Sagip Saka hanggang Oktubre 30.

Kabilang sa mga pangunahing pagbili ang P299.7 milyon para sa Supplementary Feeding Program, P157.1 milyon para sa pamamahagi ng bigas ng mga lokal na pamahalaan at P147.1 milyon para sa school-based feeding program ng Department of Education.

Ayon kay Pangilinan, mahalagang palawakin ang direktang pagbili upang magkaroon ng mas matatag na merkado ang mga lokal na producer habang natutugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan.

Binigyang-diin niya na may panukalang P36.8 bilyong alokasyon ang DSWD para sa mga programang may kaugnayan sa pagkain sa 2027, bagaman hindi lahat ng pondong ito ay nakalaan sa direktang pagbili ng mga produktong agrikultural.

Kinilala naman ni Hontiveros ang hamon sa pagpapanatili ng sapat na suplay, partikular sa panahon ng kalamidad kung kailan nangangailangan ng malalaking dami ng pagkain para sa disaster response.

Ayon kay Pangilinan, kailangang palakasin ang mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda at tiyaking mayroon silang access sa pautang, makabagong teknolohiya at kagamitan.

“Walang saysay lahat nitong mga interventions ng equipment, machinery, technology, et cetera, kung hindi organized at hindi capacitated ‘yung farmers and fisherfolk,” ani Pangilinan.

Iminungkahi rin ng senador na palakasin ang P112-milyong Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) program ng DSWD sa pamamagitan ng paglalaan ng bahagi ng P500-milyong Sagip Saka funding ng DA.

Binanggit din niya ang karanasan ng Quezon City sa direktang pagbili ng bigas mula sa mga kooperatiba sa Ilocos Norte at Laguna, na nagresulta umano sa mas mababang presyo at mas maraming bigas para sa mga benepisyaryo.

“Panalo ‘yung farmers, panalo ‘yung LGU, at panalo ‘yung beneficiaries dahil mas maraming nagbenepisyo doon sa bigas dahil mas maraming nabili at magandang kalidad,” ani Pangilinan.

Hiniling din niya sa DSWD na magplano nang maaga ng pangangailangan nito sa pagkain upang maitugma ng mga magsasaka ang kanilang produksyon at iskedyul ng pagtatanim.

Plano rin niyang isulong ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng DA at DSWD sa unang bahagi ng 2027 upang mapalakas ang koordinasyon sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act.

“’Pag wala nang gustong mag-farming, paano food security natin?” dagdag ng senador.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here