Home HOME BANNER STORY DND rumesbak sa China: Pinas ‘di kailangan ng pahintulot ng Beijing sa...

DND rumesbak sa China: Pinas ‘di kailangan ng pahintulot ng Beijing sa defense partnerships

3
0

MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ng Department of National Defense (DND) ang babala ng China laban sa bagong kasunduang pangdepensa ng Pilipinas at Australia, at iginiit na walang karapatan ang Beijing na diktahan ang bansa sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga estado.

Sa pahayag nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong na hindi kailangan ng Pilipinas ang pahintulot ng China sa pagbuo ng mga kasunduang may kaugnayan sa pambansang seguridad at pagtatanggol sa soberanya.

“China has neither the right nor the moral basis to dictate to the Philippines how and with whom we cooperate to defend our sovereignty and national interests,” ayon kay Andolong.

“We do not need Beijing’s permission regarding our relations with other nations, especially on matters of our defense and security,” dagdag niya.

Ang pahayag ay kasunod ng babala ng Chinese Defense Ministry noong Huwebes, Nobyembre 26, na posibleng magpalala ng tensyon sa South China Sea ang defense cooperation agreement na nilagdaan ng Pilipinas at Australia noong Nobyembre 15.

Inakusahan din ni Chinese Defense Ministry spokesperson Chen Xi ang ilang politiko sa Pilipinas na nagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa China at humihingi ng suporta mula sa mga bansang nasa labas ng rehiyon.

Gayunman, ayon sa DND, ang China mismo ang patuloy umanong gumagamit ng pamimilit, pananakot at puwersa upang igiit ang mga pag-angkin nito sa West Philippine Sea at iba pang karagatan.

“China’s deceptive accusations against other countries of escalating tensions have gone too far, while it continues to use coercion, intimidation, and force to assert its illegal claims in the West Philippine Sea and other waters,” ani Andolong.

Hinamon din ng DND ang Beijing na itigil ang pananakot at igalang ang mga karapatang pandagat ng ibang bansa alinsunod sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Kabilang sa bagong defense agreement ng Pilipinas at Australia ang pagpapalawak ng maritime cooperation, pagpapalitan ng impormasyon, pagsasanay ng mga militar at pagpapaunlad ng defense infrastructure.

Matatandaang noong 2016, pinawalang-bisa ng arbitral tribunal ang legal na batayan ng malawak na pag-angkin ng China sa mga karapatang pangkasaysayan sa South China Sea sa ilalim ng UNCLOS.

Gayunman, patuloy na hindi kinikilala ng Beijing ang naturang desisyon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here