Home NATIONWIDE First aid, ambulansya sa mga palaro, pinahahanda ng DOLE matapos pagkamatay ni...

First aid, ambulansya sa mga palaro, pinahahanda ng DOLE matapos pagkamatay ni PJ Simon

5
0

MANILA, Philippines — Hinimok ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang mga organizer ng mga palaro na tiyaking may nakahandang first aid equipment at ambulansya upang agad na makatugon sa mga medical emergency.

Ginawa ni Tolentino ang panawagan kasunod ng pagkamatay ng dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Peter June “PJ” Simon, 46, matapos makaranas ng medical emergency habang naglalaro sa isang exhibition basketball game sa Davao City noong Nobyembre 20.

Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan ng mga sports organizer sa mga barangay at city health center upang matiyak ang agarang pagbibigay ng tulong medikal sakaling magkaroon ng aksidente o emergency.

Ayon kay Tolentino, mahalagang may sapat na kagamitan at mga taong maaaring tumugon sa mga ganitong sitwasyon, lalo na sa mga palarong dinadaluhan ng maraming manlalaro at manonood.

Binanggit din niya ang mga hakbang sa Cebu City upang magkaroon ng first aid equipment sa mga gymnasium at mapalakas ang paghahanda sa mga emergency.

Ipinaliwanag naman ng kalihim na karaniwan nang may nakatalagang medical personnel, physical therapist at iba pang health professional ang mga professional basketball team upang pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga manlalaro.

Samantala, nang tanungin tungkol sa posibleng pagbuwag sa ilang koponan sa PBA at ang maaaring epekto nito sa trabaho ng mga manlalaro at staff, sinabi ni Tolentino na wala pa siyang sapat na impormasyon tungkol sa usapin.

Kabilang sa mga detalyeng kailangan pa umanong alamin ang mga posibleng epekto sa sahod, benepisyo at iba pang usaping may kaugnayan sa mga manggagawa ng mga koponan.

Nauna nang umani ng panawagan para sa mas mahigpit na medical preparedness sa mga sporting event ang biglaang pagkamatay ni Simon, partikular ang pagkakaroon ng mga trained first responder at mga kagamitang pang-emergency sa mga lugar na pinagdarausan ng mga palaro.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here