Home TOP STORIES 14 migrante, natagpuang patay sa bangkang nasagip malapit sa Canary Islands ng...

14 migrante, natagpuang patay sa bangkang nasagip malapit sa Canary Islands ng Spain

3
0

CANARY ISLANDS, Spain – Labing-apat na migrante ang natagpuang patay matapos masagip ang isang bangkang may sakay na tinatayang 100 katao malapit sa Canary Islands ng Spain nitong Biyernes, ayon sa Spanish news agency EFE.

Itinatampok ng insidente ang panganib sa isa sa mga pinakamapanganib na ruta ng migrasyon sa mundo, ilang araw bago ang pangkalahatang halalan sa Spain sa Linggo, kung saan naging pangunahing isyu sa kampanya ang imigrasyon.

Ayon sa EFE, 14 na bangkay ang naibaba na sa pampang. Nauna namang sinabi ng maritime rescue service na nasa walo hanggang 10 bangkay ang natagpuan sa bangka, habang anim na katao ang isinugod sa ospital sa pamamagitan ng helicopter dahil sa malubhang kondisyon.

Natagpuan ang bangka 39 nautical miles o 72 kilometro sa timog ng El Hierro at hinihila ito patungo sa daungan ng La Estaca.

Samantala, 84 na nakaligtas ang bumaba mula sa isa pang bangka sa daungan ng La Restinga sa El Hierro. Nasa lugar ang migrant reception center at field hospital na ginagamit sa pagtanggap at pagproseso sa karamihan ng mga migranteng dumarating sa isla.

Bumilis ang pagdating ng mga migrante sa Canary Islands mula Oktubre at umabot sa rekord na 2,100 katao sa isang araw noong Nobyembre 25. Karamihan sa mga ito ay nagtungo sa El Hierro, na may populasyong 11,400.

Nagpahayag ng lungkot at pagkadismaya si regional leader Fernando Clavijo sa panibagong trahedya at nanawagan ng aksiyon mula sa pamahalaan ng Spain at European Commission.

“A lot of pain and feeling of impotence over this new tragedy,” ayon kay Clavijo sa post nito sa X.

“The humanitarian emergency doesn’t start on El Hierro, but on the shores of Senegal and Gambia, where we have to act,” dagdag niya.

Si Prime Minister Pedro Sanchez ay kabilang sa mga lider sa Europe na mariing nagtatanggol sa mga benepisyo ng imigrasyon sa ekonomiya. Samantala, isinusulong naman ng mga partidong nasa kanan ang mas mahigpit na pagkontrol sa pagpasok ng mga migrante.

Libo-libong migrante ang sumusubok tumawid sa Atlantic Ocean bawat taon sakay ng mga siksikang bangka upang makarating sa teritoryo ng Spain, sa kabila ng malalakas na alon at agos ng tubig.

Karaniwang dumarami ang mga pagdating tuwing taglagas dahil mas paborable ang kondisyon ng karagatan sa panahong ito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here