MANILA, Philippines – Isinailalim sa yellow alert status ang Visayas grid mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi ngayong Sabado, Nobyembre 28, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Naitala ang available capacity sa 2,617 megawatts (MW), kumpara sa peak demand na 2,369 MW. May kabuuang 609.5 MW naman na kapasidad ang hindi available sa grid.
Ayon sa NGCP, kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang hindi inaasahang pagkawala ng TVI 2 at pagbaba ng kapasidad ng TVI 1.
Naka-planned outage naman ang PCPC at KSPC Unit 2.
Dagdag ng NGCP, 11 planta ang nakaranas ng forced outage ngayong Nobyembre; isa mula Oktubre; dalawa mula Setyembre; dalawa mula Agosto; isa mula Hunyo; tatlo mula 2025; isa mula 2024; dalawa mula 2023; at isa mula 2021.
Samantala, 19 na planta ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad.
Naglalabas ng yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang reserba ng transmission grid sakaling magkaroon ng aberya. RNT/MDS