Home HOME BANNER STORY House prosecutors, handang i-cross-examine si VP Sara sakaling tumestigo sa impeachment trial

House prosecutors, handang i-cross-examine si VP Sara sakaling tumestigo sa impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines – Handa ang House prosecution panel na i-cross-examine si Vice President Sara Duterte sakaling magpasya itong tumestigo sa kanyang impeachment trial sa Senado.

Sa isang news forum nitong Sabado, sinabi ni Manila Representative Joel Chua na umaasa ang prosecution team na maghahain pa ng karagdagang testigo ang depensa sa mga pagdinig sa susunod na linggo.

“Inaasahan ng panel of prosecutors na magdadag sila ng witness dahil apat ‘yung trial dates na December 1 to 4 pero ‘yung witnesses na kanilang ipi-present ay dadalawa lamang,” ani Chua.

Posible umanong maging “surprise witness” ang mismong bise presidente.

Hiniling ng kampo ni Duterte sa Senate impeachment court na maglabas ng subpoena para sa dalawang testigo: si Lourdes Lebosada ng Cale88, na sinasabing business partner ng asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio, at si Agaton Teodoro Uvero, deputy commissioner ng Assessment and Operations Coordinating Group ng Bureau of Customs.

“But in any event, handa po kami, handa po ang panel of prosecutors at kung sakali naman po na uupo ang ating bise presidente bilang testigo ng defense ay nakahanda po kami na i-cross [examine]…,” dagdag ni Chua.

Matatandaang sinabi ni Duterte na hiniling niya sa kanyang legal team na payagan siyang siya mismo ang humawak ng kanyang depensa sa impeachment trial, ngunit hindi umano ito pinansin ng kanyang abogado na si Michael Poa.

“Handa kami na i-cross examine ang ating Bise Presidente. In fact may naka-assign na po na abogado in the event na siya ang umupo sa witness stand,” ani Chua.

Sinabi rin ng House prosecutor na pinaghandaan nila ang lahat ng posibleng mangyari, kabilang ang posibilidad na tumestigo rin si Carpio.

“Lahat naman ‘yan possibility kaya hindi ‘yan tinatanggal sa table,” aniya.

Tinatalakay sa impeachment trial ang natitirang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte matapos bawiin ng prosecution panel ang tatlo pang artikulo ng impeachment.

Nauna nang sinabi ng bise presidente na “preparing for the worst” ang kanyang kampo habang papalapit sa pagtatapos ang paglilitis at inaasahan na ang paglalabas ng hatol ng Senate impeachment court. Muli rin niyang iginiit na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment proceedings. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here