MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa pambansang badyet sa halip na magbakasyon ngayong Kapaskuhan.
Para sa Pangulo, hindi dapat magpahinga ang mga opisyal ng pamahalaan kung kapalit naman nito ay ang kapakanan ng mga Pilipino na nararapat ding magkaroon ng panahon upang masiyahan at makapagdiwang sa panahon ng kapaskuhan.
Sa kanyang talumpati sa taunang seremonya ng pagpapailaw ng Christmas Tree na ginanap sa Kalayaan Grounds sa Malakanyang, araw ng Sabado, Nobyembre 28, sinabi ng Pangulo na dapat laging alalahanin ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin at pananagutan sa publiko habang ginagawa at tinatalakay ang pambansang badyet.
“I was just thinking that we should not take a break so that everyone else can take a break. I think that’s what we should remember,” ayon sa Pangulo.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang panawagang ito matapos niyang mabanggit na sinimulan na ng Speaker ng Kamara de Representantes at ng Senate President ang mga talakayan ng bicameral conference committee tungkol sa panukalang pambansang badyet.
“Please remember the Christmas spirit pagka kayo ay nakapag-decide tungkol sa budget,” aniya pa rin.
“Para naman ang ating mga kababayan ay maramdaman nila ang ating ginagawa para sa kanila,” dagdag na wika nito.
Sa kabilang dako, hinikayat din ng Pangulo ang mga mambabatas na laging isaisip ang mga pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipino habang inaayos at pinagkakasundo nila ang magkakaibang probisyon ng panukalang pambansang badyet.
Binigyang-diin ng kanyang mga pahayag ang kahalagahan ng patuloy na pagtupad ng mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad, kahit na naghahanda na ang bansa para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Gayunman, hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang Pangulo tungkol sa iskedyul ng mga pag-uusap ng bicameral conference committee o kung magpapatuloy ang mga sesyon ng Kongreso sa buong panahon ng bakasyon tuwing Kapaskuhan.
Samantala, inilarawan ni Pangulong Marcos ang Pasko bilang isang pagkakataon para isantabi ng mga Pilipino ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan, alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay, at pagnilayan ang mga nagdaang pangyayari sa taong malapit nang matapos.
Ang Pasko ay para sa kasiyahan, para sa pagsantabi ng mga alitan, para maalala ang pagmamahal natin sa ating mga mahal sa buhay,” aniya.
Idinagdag niya na nagbibigay rin ang Kapaskuhan ng pagkakataon sa mga tao na balikan at pagnilayan ang mga nangyari sa nakalipas na taon, gayundin ang pag-isipan kung ano ang kanilang mga gagawin sa mga susunod na buwan.
Inilarawan ni Pangulong Marcos ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas bilang naiiba sa mga pagdiriwang sa iba pang bahagi ng mundo.
Ayon sa kanya, nagsisimula ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bansa noon pa lamang Setyembre at nagsisilbi itong pagkakataon upang muling magsama-sama ang mga pamilya.
Samantala, binigyang-diin din ng Pangulo na milyon-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang umuuwi sa Pilipinas tuwing panahon ng Kapaskuhan upang muling makapiling at makasama ang kanilang mga pamilya.
Binanggit din niya na maraming kasalan, binyagan, at pagtitipon ng pamilya na ilang buwan nang ipinagpapaliban ang karaniwang isinasagawa tuwing kapaskuhan, dahil ito ang panahong nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magkakamag-anak na muling magsama-sama.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagdudulot ng kaligayahan at kapanatagan sa puso ng mga Pilipino ang panahon ng Pasko sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap na kanilang kinakaharap sa buong taon.
“So, I can only wish everyone a very, very Happy Christmas and a Happy New Year,” ang sinabi ng Pangulo. (KRIS JOSE)