MALABON CITY, Philippines – Arestado ang isang 39-anyos na obrero na kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons ng Malabon City dahil sa kasong qualified rape of a minor.
Ayon sa ulat ng Northern Police District, kabilang ang suspek sa ikatlong puwesto ng listahan ng mga most wanted ng Malabon City Police Station.
May nakabinbing warrant of arrest laban sa kaniya na inilabas ng Regional Trial Court Branch 289, Malabon City, noong Oktubre 28, 2026. Walang inirekomendang piyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Matapos makatanggap ng impormasyon na namataan ang suspek sa Barangay Tinajeros, agad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Malabon City Police sa pangunguna ni Police Chief P/Col. Kenneth Mission.
Dakong alas-1:30 ng hapon nang madakip siya ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon City Police Station at maisilbi ang warrant.
Dinala muna ang suspek sa pagamutan para sa medical examination bago inilipat sa custodial facility ng Malabon City Police Station. Naghihintay siya ng utos ng korte para ilipat sa Malabon City Jail. Rene Manahan