Home NATIONWIDE Patas na paglilitis sa impeachment case ni VP Sara, tiniyak ni Gatchalian

Patas na paglilitis sa impeachment case ni VP Sara, tiniyak ni Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Sabado na pananatilihin ng Senate impeachment court ang pagiging patas sa patuloy na paglilitis ng kasong unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte.

Tugon ito ni Gatchalian nang tanungin ng media hinggil sa kanyang reaksiyon sa pahayag ni Duterte na siya ay  “preparing for the worst” sa hatol ng impeachment court sa kanyang paglilitis.

“Makakaasa naman ang taumbayan na magiging patas ang impeachment court at magiging fair ang impeachment court lalo na pagdating sa ebidensya at pagtanggap ng ebidensya,” sabi ni Gatchalian sa isang panayam sa DWIZ.

“Ito nasabi ko na nung una, ang puno’t dulo nito ay yung ebidensya. At kung paano ma-present ng prosecution at paano rin ma-disprove o ma-counter ng defense. So iyan yan ang pinakamahalaga,” dagdag niya.

Sa pagsasalita sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Duterte na patuloy na ipapatupad ng kanyang tanggapan at staff ang mga proyekto kung makakakuha ang kanyang kampo ng hatol na acquittal.

Gayunpaman, kung siya ay mahahatulan, sinabi niya na maraming empleyado ng Office of the Vice President (OVP) ang mawawalan ng trabaho dahil sila ay co-terminus sa kanya bilang bise presidente.

Idinagdag niya na kailangang umalis ang mga empleyado ng OVP mula sa central office nito sa Mandaluyong dahil nais niyang panatilihin ang gusali, na dati niyang campaign headquarters noong 2022 elections.

Samantala, nang tanungin kung kumpiyansa siyang matatapos ang paglilitis bago matapos ang taon, sumagot si Gatchalian: “Sa takbo, mukhang kakayanin bago mag-end of the year. Ang qualification ko lang, marami kong beses sinasabi ito, hindi ako tumatama.

Pero sa mukha naman sa number of witnesses na binigay na ng defense, mukha naman aabot.”

Nakapagharap na ang defense team ni Duterte ng siyam na witnesses mula Nobyembre 9 laban sa mga alegasyon ng kanyang unexplained wealth, kabiguang magdeklara ng totoo sa kanyang assets at liabilities, at kabiguang mag-divest sa kanyang business interests habang nagsisilbi bilang bise presidente.

Sinabi ni Senate secretary Renato Bantug nitong Sabado na magpapatuloy ang whole-day trial sa susunod na linggo, Disyembre 1-4, mula 10 a.m. pataas.

Sinuspinde ang paglilitis ngayong linggo upang bigyang-daan ang marathon plenary debates ng Senado sa panukalang P7.2 trillion national budget para sa susunod na linggo.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here