MANILA, Philippines – Tiniyak ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na hindi makaaapekto sa presyo ng asukal ang pag-angkat ng 424,000 metric tons ng refined sugar na magsisimula sa Hulyo 15.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Azcona, nananatiling matatag sa ₱85 kada kilo ang presyo ng refined sugar sa nakalipas na tatlong taon at layunin nilang mapanatili ito.
Dagdag ni Azcona, bumaba rin ang presyo ng brown at washed sugar sa merkado habang tumaas ang farmgate at millgate prices—isang positibong sitwasyon para sa parehong magsasaka at mamimili.
Inaprubahan ang importasyon upang matiyak ang sapat na suplay ng asukal para sa konsumo at buffer stock. Sa kasalukuyan, may 310,000 metric tons ng refined sugar ang bansa na tatagal hanggang Oktubre.
Kalahati ng imported sugar ang agad na gagamitin, habang 170,000 MT ang ilalaan bilang dalawang buwang reserba.
Tanging mga lehitimong international sugar traders na may maayos na rekord at nakilahok sa nakaraang import/export programs ng pamahalaan ang papayagang mag-angkat. Santi Celario