MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Interior Secretary Benhur Abalos na nasa compound pa rin ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Bagama’t hindi na idinitalye pa, sinabi ni Abalos na mayroong malakas na indikasyon na naroon pa ang nagtatagong self-appointed son of God.
“Without compromising ‘yung operations ng police, malakas ang indication na nandoon, in fact madami na kaming tao at mga makina doon para mahanap siya both above ground and underground,” ani Abalos.
Ang pahayag ni Abalos ay kasunod ng pag-iisyu ng Davao Regional Trial Court Branch 15 ng protection order pabor sa KOJC matapos na magkampo sa compound ang mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest laban sa pastor.
Aniya, hindi ipinag-uutos ng Korte na lisanin ng mga pulis ang naturang compound.
“What is important is that this is a court process at ang sinasabi sa pulis, hanapin ninyo si Quiboloy so hahanapin namin talaga siya and there are all indications that shows that Quiboloy is in that area,” ani Abalos.
Samantala, nanawagan ito kay Quiboloy na sumuko na at harapin ang mga reklamong inihain laban sa kanya.
“Kung talagang wala siyang kasalanan, harapin niya ito athuwag siya dapat matakot, ‘yun lang para matapos na po lahat ito. Just face the court,” sinabi pa ni Abalos.
“I know you are a man of God, you’ve been reading the Bible, you’re telling us about justice but now it’s time to face the court,” dagdag pa.
Si Quiboloy ay nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, sa korte sa Pasig bukod pa sa iba pang mga kaso. RNT/JGC