MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkules, Agosto 28 na makikipag-ugnayan ito sa opisina ni Lanao del Sur Rep. Zia Adiong, ang designated sponsor ng proposed 2025 budget ng OVP sa plenaryo sa Kamara, kasunod ng deferment ng deliberasyon sa House panel para sa badyet ng opisina.
Sa kabila nito, sinabi ni OVP spokesperson Atty. Michael Poa na wala pang petsa kung kalian mangyayari ang usapan.
“The OVP will be contacting Cong Adiong’s Office as agreed during a brief conversation between Cong Adiong and the VP right after the budget hearing yesterday,” ani Poa.
“Kung kailan ang magiging pag-uusap between the OVP and Cong Adiong’s office wala pa po tayong maisasagot sa ngayon,” dagdag niya.
Sa panayam, binatikos ni Senador Risa Hontiveros ang “sense of entitlement” ni Duterte na aniya ay hindi nababagay mula sa ikalawang pinakamataas na opisyal sa bansa.
“Ayan, hindi pa rin nagbabago ng ugali. ‘Yung sense of entitlement ibang klase rin talaga na nakaka-shock mula sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno,” ani Hontiveros.
“Hindi pupwedeng pumasa ‘yung ganyan dahil hindi lang ‘yan pera na hawak ng gobyerno. ‘Yan ay perang galing sa buwis ng mamamayan at tama lang dapat na busisiin namin sa Kongreso, whether d’yan sa House o dito sa Senado, at tamang dapat maging accountable ang bawat executive official para sa hinihingi nilang budget,” dagdag niya.
Bago ang mainitang usapan sa OVP budget sa Kamara, nakipagpalitan ng tirade si Duterte kay Hontiveros sa budget hearing sa Senado.
Inakusahan ni Duterte si Hontiveros na pinopolitika ang kanyang proposed budget sa pagtatanong sa mga programa ng OVP na pareho sa programa ng ibang ahensya ng pamahalaan.
Nitong Martes, ipinagpaliban ng House committee on appropriations ang deliberasyon sa P2-billion proposed budget ng OVP para sa 2025 dahil sa pagtanggi ni Duterte na sumagot kung paano gagamitin ng opisina niya ang badyet.
Naibalik din sa usapan ang tanong kung paano ginamit ang confidential funds ng OVP noong 2022.
Bilang badyet sponsor naman, sinabi ni Adiong na dapat ay sumagot si Duterte sa mga tanong para sa budget approval.
“Well, she tried to avoid questions. It was very apparent. I cannot speak for her in the way she responded to the questions. But I can tell you, it’s going to be a lot difficult task for me to defend and sponsor the budget,” ani Adiong.
“I was expecting more productive exchanges because that has been the tradition since the creation of the House of Representatives. This is actually the first time that I saw that kind of deliberation. I was hoping that all the questions from my colleagues would be satisfactorily answered,” dagdag niya.
Itinakda ng House panel ang deliberasyon para sa 2025 budget ng OVP sa Setyembre 10. RNT/JGC