MANILA, Philippines – Lubhang ipinagtataka ng Senate subcommittee on justice and human rights ang travel pattern ng dalawang kapatid ni Alice Guo na sina Shiela at Wesley dahil magkakasalungat ang tatak sa port of entry na nakatala sa kani-kanilang pasaporte.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na patuloy na inaalam ng komite ang tunay na port of entry ng dalawang pugante dahil magkakasalungat ang immigration stamp sa pasaporte ni Shiela.
“Akala ko po isang hearing lang ang kailangan ng subcommittee na ito but unfortunately there are still even more questions than answers, so far,” ayon kay subcommittee chairperson Senator Risa Hontiveros.
Pansamantalang sinuspinde ni Hontiveros ang unang pagdinig sa imbestigasyon ng pagtakas ng mga kapatid ni Guo palabas ng Pilipinas.
“Ang lumalabas na conflict ay ito: on July 18th, Alice Guo and company entered Kuala Lumpur. But on [Shiela Guo’s] passport, may tatak na Sabah na July 19. From Kuala Lumpur to Sabah, dapat din wala nang stamp because it’s the same country. So how can she be also in two places at almost the same time?” tanong ni Hontiveros.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Hontiveros ang kopya ng pasaporte ni Shiela na naglalaman ng stamp ng Malaysian immigration na may petsang July 18 na tinatakan sa Kuala Lumpur International Airport.
Natuklasan din na mayroong stamp ang kaparehong pasaporte na pumasok si Shiela sa Sabah nitong Hulyo 19, 2024.
Aabot sa mahigit 1,620 kilometro ang layo ng Sabah sa Kuala Lumpur.
Sinabi ni Shiela sa komite na umalis sila kasama sina Alice at Wesley sa Pilipinas sa pamamagitan ng ilang bangka sa unang linggo ng Hulyo.
Umabot sa ilang araw ang biyahe ng ikalawang bangka bago sila inilipat sa mas maliit na barko patungong Malaysia, aniya.
Binanggit ni Shiela ang pangalan ng lugar sa Chinese na kanilang destinasyon sa Malaysia na itinuring ng tanggapan ni Hontiveros bilang Sipadan Island sa Sabah, Malaysia.
“And how did she leave the country? Sa Zambales ba, sa Sual [Pangasinan] ba?” tanong pa ni Hontiveros.
Inihayag naman ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na patuloy nilang sinusuri ang impormasyon hinggil sa pagpasok ng magkakapatid na Guo sa Malaysia.
“[W]e were trying to confirm the entry in Malaysia because there was information na ‘yung prinesent po na ‘yung sa immigration there was information received by NBI na medyo doubtful po ‘yung authenticity. So, we have to revalidate and reconfirm this information,” ani Tansingco. Ernie Reyes