MANILA, Philippines – Pinabiruan at pinagsabihan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senate President Francis Escudero si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. matapos itong makitang natutulog habang nagsasagawa ng pagdinig sa impeachment trial nitong Lunes.
Sa pagbabalik ng trial, napansin ng mga court officials na nakitang natutulog si Abante habang nagtatanong ang mga senator-judge kay Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña.
Pinakiusapan niya ang mga public prosecutor na sina Iloilo Rep. Lorenz Defensor at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na gisingin si Abante.
“Before calling on Senator Joel Villanueva, may I ask Congressman Defensor, Congressman Barbers to kindly nudge Cong. Benny a bit? It seems he’s tired. He may want to rest somewhere but at least not right behind the witness,” sabi ni Escudero.
Biro naman ni lead public prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na baka nagpe-pray lang si Abante na isa ring pastor.
“Your Honor, I think he’s praying for us. He’s praying for the prosecution, your Honor,” ani Luistro.
Mabilis namang sagot ni Escudero: “Um, I doubt that.”
Idinagdag pa ng Senate President na maaaring pagod lang si Abante dahil kakatapos lang ng budget deliberations noong nakaraang linggo.
“It’s been a long day I guess for Cong. Benny because they just approved the budget last week. You may proceed when you’re ready,” sabi niya kay Sen. Joel Villanueva bago ito nagsimulang magtanong.
Matapos ang pagtatanong ng mga senator-judge, dinecharge na ng Senado si Sopeña mula sa witness stand.
Susunod na ihaharap ng prosecution para sa Article II ng Articles of Impeachment ay si P/Maj. Joericson Sangalang ng PNP Firearms and Explosives Office (PNP-FEO).
Ayon sa kahilingan ng prosecution panel, si Sangalang ay tatawagin bilang testigo kaugnay ng alegasyon na may hindi idineklarang kayamanan si VP Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Sinabi ni public prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon noong June 16 na may nakalap silang bagong ebidensya: mahigit 50 baril na nagkakahalaga ng milyon na nakarehistro sa PNP sa pangalan nina Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Sa huling bilang, 52 firearms daw ito — 29 kay Carpio at 23 kay Duterte, kabilang ang rifles, shotguns, pistols, at revolvers.
Kasunod ni Sangalang, inaasahang ihaharap din ng prosecution si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte para magpaliwanag kaugnay ng mga kontrata ng lokal na pamahalaan sa Gencorp Industries Inc., na umano’y may kinalaman kay VP Duterte.
Patuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte. Ernie Reyes