Home OPINION ABC PRESIDENT BINULAGTA; SAMPOL SA HALALANG 2025?

ABC PRESIDENT BINULAGTA; SAMPOL SA HALALANG 2025?

AGAD namatay ang pangulo ng Association of Barangay Captains sa Polanco, Zamboanga del Norte makaraan siyang ratratin sa harap ng kanyang misis sa Brgy. Macleodes.

Si Kapitan o Punong Barangay Leopoldo Paler Atad, 52, iyon.

Sinabi ng pulisya na naganap ang pagpaslang kay Atad dakong 8:30 ng gabi.

Nakaupo umano si Kap nang dumating ang mga suspek na nakasuot ng mga itim na jacket at sakay ng isang motorsiklo.

Isa sa mga killer ang bumaba at mabilis na pinagbabaril ang biktima sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Pagkatapos niyon, mabilis na humarurot palayo sa pinangyarihan ng krimen ang mga suspek at wala nang nakaaalam kung saan nagtungo ang mga ito matapos maglaho sa gitna ng dilim.

Siyempre pa, pangunahing iimbestigahan ang pagkakakilanlan sa mga suspek at ang motibo sa pagpatay.

Isa sa mga posibleng susuriin ng mga pulis, mga brad, ang posibleng kaugnayan ng krimen sa pulitika ngayong Mayo 12, 2025.

Ang isang ABC president ay makapangyarihan o maimpluwensya sa isang munisipyo o lungsod dahil siya ang pinuno ng lahat ng kapitan at kasama siya sa mga konsehal ng bayan bilang kinatawan ng mga barangay council.

Ang pagpatay ba kay Atad ay isang paraan upang mahadlangan ang tulong nito sa isa o mga kandidato sa kanyang bayan?

Nagsimula na kasi ang paglahok ng mga kapitan, kagawad at chairman at kagawad ng Sangguniang Kabataan sa kampanya ng mga kandidato.

Hindi na sila non-partisan o neutral tulad noon dahil sa sinasabi ng Supreme Court na pwede silang lumahok sa pulitika bilang mga halal na opisyal.

At pinaiiral na ito ng Commission on Elections sa bisa ng Comelec Minute Resolution 24-1001 na pinalabas nina Comelec Chairman George Garcia.

Kung sakaling lilitaw na pulitika ang dahilan nang pagpatay kay Kapitan Atad, ipagdasal na lang natin na huwag masundan pa ito.