Home OPINION NANGHIHINAYANG SA MGA PULIS

NANGHIHINAYANG SA MGA PULIS

TUWING nakababalita tayo ng mga pulis na sangkot sa krimen, labis tayong nanghihinayang.

Sa rami ng mga pulis na ating nakasama at nakakasama hanggang ngayon, kakaunti lang naman ang ganyang mga may kaso, subalit nakapanghihinayang talaga.

Pero higit na inaaalala o pinanghihinayangan natin ang epekto ng mga ito sa taumbayan dahil, sa totoo lang, sila ang isa mga pangunahing mukha ng pamahalaan.

Kung ano kasi ang galaw ng mga pulis, sinasabi ng taumbayan na siya na rin ang galaw ng pamahalaan.

Kung iligal o pangit ang ginagawa ng mga pulis, namamantsahan at nadudungisan din ang mukha mismo ng pamahalaan.

Malalim man o mababaw ang mga galaw o gawa na ‘yan.

PAGLILINGKOD O PAGTATANGGOL?

Nitong nakaraang dalawang araw, lumabas ang dalawang kwentong pulis.

Itong si P/MSgt. Palmer Nankihid Moling ay inaresto sa pagkakasangkot sa pagtutulak ng 20 kilong shabu na nagkahalaga ng P136 milyon sa Baguio City.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director Derrick Carreon, nahuli si Moling, kasama ang kanyang live-in partner na isang Mary Ann Tiope Ty.

Pinakamalaki umanong huling shabu iyon sa lungsod sa taong ito.

Pero ang masakit, isang aktibong pulis ang nasangkot.

Sa General Santos City naman, binaril ng isang patrolwoman ang live-in partner nitong isang tinyente na pulis din at kapwa niya nakatalaga sa Drug Enforcement Unit sa Camp Lira.

Sayang nga lang at hindi pinangalanan ni P/Col. Nicomedes Olaivar, city police director, ang mga sangkot dito.

Intindihing miyembro rin ng anti-narcotics unit ang dalawang pulis na ito.

Sinasabing selos o crime of passion nang pinag-ugatan ng krimen ngunit wala bang kaugnayan dito ang droga?

Pero ang pinakamahalagang tanong dito: Sa pinaggagagawa ng mga pulis na ito, hindi ba wala sa hulog o taliwas sa Konstitusyon ang ginawa ng mga ito?

Kabilang ang mga pulis sa saklaw ng Article 2, Section 4 ng 1987 Konstitusyon na nagsasabing, “The prime duty of the Government is to serve and protect the people.”

Kamay ng pamahalaan ang mga pulis sa pagpapatupad ng takda ng Konstitusyon na pangunahing tungkulin ng gobyerno na paglingkuran and ipagtanggol ang mga mamamayan.

Paano ngayon ang doktrinang ‘yan na dapat 24 oras na taglay-taglay ng mga pulis?

Ang nakatatakot, ginamit ng mga pulis na ito ang kanilang mga baril at tsapa sa paggawa ng krimen.

Paano ang pakikitungo ng mga armadong kamay ng pamahalaan na ito sa mga mamamayan?

MAKADISGRASYA O MADISGRASYA

Kung makadisgrasya o madisgrasya ang mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin na pagsilbihan at ipagtanggol ang mga mamamayan sa krimen at iba pang kaguluhan, itatanghal natin silang mga bayani, buhay man o patay.

Pero kung ganito ang kanilang ginagawa, paano natin sila itrato, lalo’t sila ang mukha ng pamahalaan at sinasandigan ng mga mamamayan?

Nagkakagulo na nga Pinas dahil sa pulitika, nahahaluan pa ng mga gawang pulis na ikinasisira hindi lang ng pamahalalan kundi ng sambayanan.

Sana naman, manatili ang higit na nakararaming pulis sa dapat nilang kalagyan.

‘Yun bang === kumapit sila sa Konstitusyon at batas sa paggampan ng tungkulin at hindi lumabag dito.