MANILA, Philippines- Swak sa hoyo ang isang abogado at kasama nito sa isinagawa ng buy-bust operation sa Quezon City kung saan nasamsam ang P1.3 milyong halaga ng droga.
Batay sa ulat nitong Huwebes, nadakip ang 57-anyos na lalaki at 39-taong gulang na babae sa isang tahanan sa Barangay Central kasunod ng transakyon ng 200 gramo ng umano’y shabu.
Iniulat ng mga awtoridad na dalawang buwan silang nagmatyag sa lugar bago ikasa ang buy-bust operation.
“Napakaraming tawag from barangay na merong iba’t ibang tao na pumupunta doon sa bahay na iyon. Merong naka-kotse, merong naka-motor, at alanganing oras ng gabi, dis-oras ng gabi,” pahayag ni Police Major Wennie Ann Cale, officer-in-charge ng Quezon City Police District-Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU).
Ayon sa resulta ng imbestigasyon, natukoy na abogado ang lalaking suspek habang ang babae ay dating nakulong dahil sa droga.
“Matagal na siyang abogado. Actually nag-serve pa siya under government agencies natin hanggang sa siya ay nag-private lawyer na,” paglalahad ni Cale.
Ayon pa sa ulat, “distributor” umano ng abogado ang asawa ng nadakip na babae.
Kasalukuyang nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Tumanggi namang magkomento ang dalawa na kasalukuyang nakakulong sa QCPD Station 10. RNT/SA