Home METRO Abogado nagpaliwanag sa paratang na ‘taga-areglo’ ng mga kaanak ng missing sabungeros

Abogado nagpaliwanag sa paratang na ‘taga-areglo’ ng mga kaanak ng missing sabungeros

49
0

MANILA, Philippines – Naglabas ng pahayag si Atty. Caroline Cruz kaugnay sa mga alegasyon ng ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero na siya umano ang nagsisilbing “tagapag-areglo” sa mga complainant sa kaso.

Ayon kay Cruz, ang unang pagpupulong noong Abril 20 sa kanyang opisina sa Mandaluyong ay hindi niya inisyatiba kundi kagustuhan mismo ng mga pamilya ng missing sabungeros na lumapit at makipag-usap sa kanya.

Bilang Executive Director ng Pitmaster Foundation, sinabi ni Cruz na hinarap niya ang mga pamilya nang sabay-sabay at hindi paisa-isa. Mayroon din umano aniyang mga saksi na makapagpapatunay na naging maayos at magalang ang naging pag-uusap.

Ayon pa kay Cruz, si Diane Loyola umano ang nanguna sa grupo at nagsabing umaasa silang matutulungan sila nito upang malaman ang katotohanan sa pagkawala ng 34 na sabungero mula 2021 hanggang 2022.

Inamin ni Cruz na nagulat siya sa paglapit ng mga pamilya, ngunit tinanggap pa rin niya ang mga ito dahil nauunawaan niya ang paghahanap nila ng kasagutan. Dagdag pa niya, mas ikinagulat umano niya nang malaman na hindi alam ng ilan sa mga kaanak na kabilang siya sa mga unang kinasuhan sa kaso.

Dahil dito, napagkasunduan umano ang ikalawang pagpupulong sa Shangri-La, isang pampublikong lugar. Sa naturang meeting, napansin umano ni Cruz na may palihim na kumukuha ng larawan, ngunit hindi na niya ito pinansin. Hinamon din niya ang sinumang may audio recording ng kanilang usapan na ilabas ito sa publiko.

Mariin ding itinanggi ni Cruz ang alegasyon na siya ang nag-ayos ng biyahe ng ilang pamilya sa mga casino at resort sa Iba, Zambales.

Inamin naman ng abogado na nagbigay siya ng tulong pinansyal sa ilang pamilya ngunit nilinaw niyang tig-P20,000 lamang ito bawat isa at hindi P40,000. Aniya, nasa P500 denomination umano ang perang ibinigay at hindi P1,000 bills gaya ng ipinakitang laman ng brown envelope sa mga ulat.

Binigyang-diin ni Cruz na walang kapalit ang naturang tulong at wala ring anumang dokumentong pinapirmahan sa mga tumanggap nito. Aniya, hindi rin naman mga testigo ang mga ito kaya walang saysay ang usapin tungkol sa recantation o pag-atras ng salaysay.

Paliwanag pa ni Cruz, nagkuwento lamang umano ang mga pamilya tungkol sa kanilang hirap sa buhay kaya siya nag-alok ng tulong, bagay na matagal na raw ginagawa ng Pitmaster Foundation simula pa noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Iginiit din ni Cruz na posibleng bahagi lamang ng tangkang guluhin ang imbestigasyon ang paglalantad ng grupo, kasunod ng mga pahayag ni self-proclaimed whistleblower na si Julie Patidongan.

Sa huli, sinabi ni Cruz na wala siyang itinatago, malinis ang kanyang konsensya, at handa siyang humarap at sumagot sa anumang tamang forum. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here