Home TOP STORIES Abogado ni Ang iwas muna sa media interviews; legal remedies pagtutuunan ng...

Abogado ni Ang iwas muna sa media interviews; legal remedies pagtutuunan ng pansin

192
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng lead counsel ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na pansamantala muna siyang hindi magbibigay ng media interviews upang hindi mailagay sa alanganin ang mga legal na remedyo na kanilang isasagawa para sa kapakanan ng kanyang kliyente.

Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, bagama’t iiwas muna siya sa mga panayam, regular pa ring maglalabas ng mga opisyal na pahayag ang kanyang tanggapan kung kinakailangan upang magbigay ng mahahalagang update kaugnay ng kaso.

“Upang hindi maapektuhan ang lahat ng legal na remedyo na aming gagawin sa mga susunod na araw para sa kapakinabangan ni G. Ang, mas pipiliin kong limitahan ang aking mga pahayag sa mga opisyal na media release na regular naming ilalabas mula ngayon,” pahayag ni Villareal.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng abogado na magsasampa ngayong araw ang depensa ni Ang ng isang Omnibus Motion upang ipawalang-bisa ang warrant of arrest na inilabas kahapon ng isang korte sa Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero. Umaasa rin ang kampo ni Ang na maitakda na agad sa susunod na linggo ang pagdinig sa naturang mosyon.

Kaugnay nito iginiit ni Villareal na minadali ng korte ang paglalabas ng warrant of arrest at nilabag nito ang karapatan ng kanyang kliyente dahil umano sa hindi kumpletong impormasyong isinumite ng Department of Justice, na ginamit ng korte sa pagdetermina ng probable cause.

Samantala, ipinaliwanag ni Villareal na ang kanyang desisyong umiwas muna sa media interviews ay bunsod din ng kanyang masikip na iskedyul. Bukod sa pagiging lead counsel ni Ang, siya rin ang nagsisilbing tagapagsalita ng negosyante.

“Lubos akong abala sa paggawa ng mahahalagang legal na pleadings na kinakailangang maisumite sa mga korte,” ani Villareal.

Gayunman, pinasalamatan ng abogado ang iba’t ibang media organizations at mga mamamahayag na patuloy na nagsusumikap na makuha ang panig ng kanyang kliyente.

“Magiging available din ako muli sa ating mga kaibigan sa media sa sandaling matiyak naming natutugunan na ang agarang pangangailangan ng aming kliyente. Sa ngayon, dapat munang ituon ang aming buong panahon at atensyon sa pagprotekta sa kanyang mga interes,” pagtatapos ni Villareal. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here