ISANG abogado ni Vice President Sara Duterte ang umano’y sangkot sa pag-leak ng ilang mahahalagang impormasyon na may kaugnayan sa impeachment laban sa pangalawang pangulo at iba pa kapalit ng malaking halaga.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang nabanggit na abogado ay nagbibigay ng mga dokumento sa isang kongresista kapalit ng malaking halaga.
Kabilang sa mga dokumentong ibinigay nito ay may kinalaman sa insidente ng nakawan sa opisina ni VP Sara sa Tondo, Manila; impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Atty. Zuleika Lopez; panloob na impormasyon hinggil sa impeachment ng pangalawang pangulo at kuhang video sa Veterans Memorial Medical Center ng DDS vloggers, kasama si Tio Moreno at mga pulis ukol sa paglilipat ng mga pulis kay Atty. Zuleika sa ibang lugar.
Sa pakikipag-usap ng nasabing abogado sa kongresista ukol sa presyo na kapalit ng mga impormasyon ng una, lumilitaw na nanghihingi ito ng malaking halaga.
Gayunman, umatras umano ang kongresista sa sobrang laki ng hinihingi ng abogado bawat impormasyon na ibibigay nito.
Kaugnay nito, lumilitaw na nakikipagkita na nang personal ang abogado sa kongresista o tauhan nito para sa hinihinging mga dokumento o ebidensya laban kay VP Sara. RNT