
IPINATUTUPAD ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON na simula Marso 1, 2025 ang taunang dalawang buwang pagbabawal sa panghuhuli ng “tawilis” (Sardinella tawilis) na endemiko lamang sa Taal Lake sa Batangas. Babala ng regional office, ang sinomang lalabag ay mahaharap sa kaukulang parusa.
Mahigpit na babantayan ng DENR CALABARZON Protected Area Management Office – Taal Volcano Protected Landscape ang mga ipinagbabawal na aktibidad ng paghuli, pagbebenta, pangangalakal, pagbiyahe o anomang transaksyon na may kinalaman sa tawilis na magtatagal hanggang Abril 30, 2025.
Idineklara noong 2018 ng International Union for Conservation of Nature na endangered species ang tawilis, kaya ipinatutupad ang dalawang buwang “closed season” upang maprotektahan at mapanatili ang populasyon nito.
Isinasabay ito sa sa panahon ng rurok ng pangitlog ng tawilis. Ang isang babaeng tawilis ay maaaring mangitlog ng hanggang 18,000 itlog sa bawat breeding season, ngunit karaniwan itong lumalaki lamang ng hanggang 12.7 sentimetro o 5 pulgada.
Popular ang tawilis sa mga dumarayo sa Tagaytay City, Batangas, at Cavite na madalas ihain bilang crispy, deep-fried dish sa mga karinderya at mamahaling restoran. Bukod pa rito, ibinebenta rin ito online bilang de-boteng sardinas para sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ang tawilis, ang kaisa-isang uri ng sardinas sa buong mundo na nabubuhay sa tubig-tabang, itinuturing itong isang espesyal na pagkain bagaman minsan itong tinaguriang “isda ng mahihirap.”
Hanggang ngayon, nananatili itong pangunahing bahagi ng hapag-kainan sa mga pamayanan sa paligid ng Lawa ng Taal.
Bago magsimula ang closed season, umaabot sa 10 kilong tawilis ang nahuhuli sa Taal Lake ng nasa mahigit kumulang 3,500 na mga mangingisda.
Bumuo rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ocean Environments Task Force (OETF) upang lumikha ng mga polisiya at programa para protektahan ang mga karagatan ng bansa sa pamamagitan ng Special Order No. 2025-98 na may lagda ni Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.
Paliwanag ni DENR Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones, ang OETF ay susuportahan ng apat sa mga nangungunang marine scientists’ ng bansa at inaasahang magpapabuti sa mga polisiya at programa na may kaugnayan sa mga karagatan sa pamamagitan ng masusing konsultasyon at kolaborasyon.
Dagdag pa ni undersecretary Leones ay magbubuo ng walong bagong marine scientific research stations sa buong kapuluan, na magpapalakas sa pagtuklas, pakikipagtulungan, at inobasyon kasama ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, mga pambansang organisasyon ng pamahalaan, at pribadong sektor.
Ang OETF ay tutulong din sa pagbuo ng isang Ocean Environments Bureau.
Noong 2022 ay lumagda sa isang kasunduan ang DENR at Philippine Coast Guard upang magpatupad ng mga aktibidad sa pangangalaga ng karagatan, tulad ng paglilinis ng baybayin at ilalim ng dagat, pagsubaybay sa kalidad ng tubig, at pangangalaga sa wildlife, bukod sa iba pa.
Bilang isang arkepelagong binubuo ng 7,641 na mga malalaki at maliliit na isla, ang Pilipinas ay napaliligiran ng Pacific Ocean, South China Sea, Celebes Sea, Sulu Sea, at ang Bashi Channel.