MANILA, Philippines – DALAWANG sabungero ang naiulat na nasawi nang pagbabarilin ng isang hindi nakikilalang kapwa sabungero, matapos na magtalo ang mga ito, kagabi, Marso 15 sa Agoncillo Cockpit Arena, Barangay Bagong Sikat, Agoncillo, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang nasawi na pawang nagtamo ng tama ng bala sa parte ng katawan na sina Jordan Alvarez y Aquino at Jelo Agojo y DaƱo, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan sa nabanggit na lalawigan.
Samantalang ang hindi nakikilalang suspek na may taas na 5″3, nakasuot ng black T- shirt at maong na short na mabilis na tumakas matapos ang insidente patungo sa hindi pa matukoy na lugar ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad para panagutin sa kasong pagpatay sa mga biktima.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Agoncillo Police Station, naganap ang insidente dakong 10:30 kagabi habang ang mga nasawi (biktima) ay kapwa umano nasa Agoncillo Cockpit Arena, kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang isa sa mga biktima at suspek sa hindi pa malaman kadahilanan na humantong sa pamamaril.
Nabatid sa ulat na nauna umanong pinagbabaril ng suspek si Alvarez kung saan isinunod naman nitong binaril si Agojo na kapwa agarang ikinasawi ng mga ito. Ellen Apostol