Bulacan – Arestado ng mga awtoridad ang 29-anyos na lalaking nagpapalipas ng oras matapos mahulihan ng baril sa loob ng KTV Bar sa bayan ng San Ildefonso.
Sa report, itinago sa alyas “Eddie” ang naarestong suspek, pawang residente ng Brgy. Sapang Putik.
Ayon sa report, ikinasa ang Oplan “Bakal” ng pulisya bandang 11:40 ng gabi nitong Marso 15, sa loob ng KTV Bar sa Brgy. Anyatam.
Nabatid na bahagyang pinataas ng mga awtoridad ang mga damit ng mga parokyano sa bar nang bumulaga sa kanila ang baril sa baywang ng suspek na walang naipakitang lisensiya kaya agad siyang inaresto.
Nakumpiska sa suspek ang North American Arms caliber .22 pistol na may apat na bala.
Samantala, huli rin ng mga rumespondeng awtoridad ang 55 anyos na tricycle driver sa inuman sa kalsada bandang 12:20 ng madaling araw nitong Marso 16 sa Brgy. Buguion, Calumpit matapos ireklamo nang pagpapaputok ng baril.
Nakumpiska sa suspek ang isang caliber .38 revolver na may limang bala at isang basyo.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III