Home TOP STORIES Pamilya ng EJK victims nagtipon; katarungan isinisigaw

Pamilya ng EJK victims nagtipon; katarungan isinisigaw

MANILA, Philippines – Nagtipon ang mga pamilya ng 18 biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa Dambana ng Paghilom, La Loma Cemetery, Caloocan City para sa inurnment ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa gitna ng pagdadalamhati, muling nanawagan sila ng hustisya, lalo na matapos ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands, naghihintay ng paglilitis.

“Matatanggap na ng anak ko ang hustisya niya,” pahayag ni Crispin Cena, isa sa mga naulila ng madugong kampanya laban sa droga.

May pag-asa ang mga pamilya na hindi si Duterte lang ang mapanagot, kundi pati ang iba pang sangkot sa EJKs, kabilang umano sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at dating PNP Chief Oscar Albayalde.

Si Dela Rosa, dating tagapamuno ng Oplan Tokhang, ay posibleng sunod na hulihin ng ICC. Ayon sa kanya, hihingi siya ng proteksyon mula sa Senado sakaling lumabas ang warrant laban sa kanya.

Naniniwala ang mga pamilya ng EJK victims na ang pag-aresto kay Duterte ay isang malaking hakbang sa pagkamit ng katarungan at inaasahan nilang may iba pang susunod. Merly Duero