MANILA, Philippines – Itinataguyod ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Project BALAY (Building Access to Learning for Students) na layong magbigay ng ligtas at abot-kayang pabahay sa mga mag-aaral, guro, at kawani sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.
Sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Miyerkules, inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na lumagda ang Commission on Higher Education (CHED) at Pag-IBIG Fund sa isang kasunduan noong Enero 23 para sa pagpapatupad ng proyekto.
Ayon kay Castro, ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo upang maibsan ang pasanin ng mga estudyante at kanilang pamilya, habang tinitiyak ang suporta para sa kanilang pag-aaral.
“Layunin ng nasabing programa na tugunan ang mga non-academic barriers gaya ng kakulangan sa safe and accessible student housing,” wika ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, ang maayos na tirahan ay nakatutulong sa mas mataas na academic performance at completion rates.
“Ligtas, maayos, at accessible na pabahay para sa mga mag-aaral – hakbang ng pamahalaan para sa mas maunlad na Bagong Pilipinas,” ani Castro. (KRIS JOSE)