Home NATIONWIDE Abril 22, 2025 idineklara ni PBBM na ‘Day of Nat’l Mourning’ para...

Abril 22, 2025 idineklara ni PBBM na ‘Day of Nat’l Mourning’ para kay Nora Aunor

MANILA, Philippines- Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang April 22, 2025, araw ng Martes, bilang Day of National Mourning para sa pagpanaw ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, o Nora Cabaltera Villamayor sa totoong buhay.

Ang national flag ay dapat na nakahalf-mast mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, sa lahat ng gusali ng gobyerno at installations sa buong Pilipinas at sa ibang bansa ngayong araw ng Abril 22, ayon sa Proclamation 870 na tinintahan ni Pangulong Marcos, araw ng Lunes.

Nakasaad sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines na ang watawat ay dapat na nakawagayway nang half-mast bilang tanda ng pagluluksa sa lahat ng mga gusali at lugar kung saan ito ay ipinapakita sa araw ng interment ng isang tumanggap ng National Artist award.

“The passing of National Artist for Film and Broadcast Nora Cabaltera Villamayor, also known as Nora Aunor, is a great loss to the Filipino people and to the nation’s cultural and artistic community,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa Proclamation 870.

“The nation mourns and joins the family and friends of National Artist Nora Cabaltera Villamayor in this moment of grief and remembrance,” dagdag na wika nito.

Tinuran pa ng Pangulo na ang outstanding contribution ni Nora Aunor sa Philippine cinema, television, at musika “has left a lasting legacy on the nation’s collective memory and identity.”

“Her artistry, depth, and dedication as a performer elevated the standard of excellence in the fields of arts and culture, and inspired generations of actors, filmmakers, and audiences, both in local and international stage,” aniya pa rin.

Samantala, si Maria Leonora Teresa Cabaltera Aunor o lalong kilala bilang Nora Aunor, ay isang mang-aawit, aktres, prodyuser, at Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula na tinaguriang “Superstar.”

Tinagurian siya ng The Hollywood Reporter bilang “The Grand Dame of Philippine Cinema” para sa kanyang pagganap sa mga pelikulang Taklub at Hustisya at para sa kanyang mga ambag sa industriya ng pelikula sa Pilipinas.

Nagsimula ang karera ni Aunor bilang isang mang-aawit matapos magwagi sa isang lokal na patimpalak.

Nagpatuloy ang kaniyang pagsikat sa mga sumunod na taon bilang parehong mang-aawit at aktres. Pagkatapos ng kanyang pasinaya sa pelikula na All Over the World (1967), siya ay lumipat sa mga mabibigat na drama na may lubos na kinikilalang mga pagtatanghal sa mga pelikula tulad ng Tatlong Taong Walang Diyos, Minsa’y Isang Gamu-gamo, Ina Ka ng Anak Mo, Bona, Himala at Bulaklak sa City Jail.

Sa mga sumunod na dekada, ang kanyang mga pagtatanghal sa The Flor Contemplacion Story, Bakit May Kahapon Pa?, Thy Womb, at Dementia ay nagbigay sa kanya ng karagdagang internasyonal na pagkilala at maraming internasyonal na mga parangal at pagpili.

Para sa kanyang mga pagganap, nakatanggap si Aunor ng 17 pagpili para sa Gawad FAMAS at naging “Hall of Fame” inductee, na nanalo ng limang Best Actress Award.

Siya ang aktres na may pinakamaraming nominasyon sa kasaysayan ng Gawad Urian na may 21 pagpili, kung saan pito ay kaniyang ipinanalo, at ang tanging tagapagganap na napili bilang isa sa mga Pinakamahusay na Aktor at Aktres ng Dekada sa tatlong magkakaibang dekada (1980s, 1990s, at 2010s) ng parehong tagapaggawad-parangal. Siya ang tanging Pilipino na nanalo ng Asian Film Award para sa Best Actress.

Nanalo siya ng siyam na parangal mula sa PMPC Star Awards para sa kanyang trabaho sa pelikula at telebisyon, gayundin ang walong Metro Manila Film Festival Awards, apat na Luna Awards, limang Young Critics Circle Awards, isang Cairo International Film Festival award, isang Asia Pacific Screen Award, isang Asian Film Award, at iba pa. Kris Jose