Home NATIONWIDE ACT kay PBBM: Papuri sa mga guro walang saysay kung walang salary...

ACT kay PBBM: Papuri sa mga guro walang saysay kung walang salary hike

252
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na walang kabuluhan ang papuri at pangakong prayoridad sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung hindi ito sasabayan ng kongkretong hakbang tulad ng pagtaas ng entry-level salary ng mga guro sa P50,000.

Ito ang naging tugon ng ACT sa naging pahayag ng Pangulo sa “RISE in Service” oath-taking ceremony sa ilalim ng Expanded Career Progression program, kung saan kinilala niya ang sakripisyo at bigat ng responsibilidad ng mga guro sa loob at labas ng silid-aralan.

Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, matagal nang naririnig ng mga guro ang ganitong mga papuri, subalit nananatiling mababa ang kanilang sahod.

“Appreciation without a living wage is empty rhetoric,” ani Bernardo, sabay giit na ang mga allowance at benepisyong binanggit ng Pangulo ay hindi bagong inisyatiba kundi bunga ng matagal na pakikibaka ng mga guro.

Dagdag pa niya, bagama’t pinakamalaking bahagi ng 2026 national budget ay napunta sa edukasyon, nananatiling hindi sapat ang batayang sahod ng mga guro upang makasabay sa tumataas na gastusin, dahilan upang marami ang umasa sa utang.

Nanawagan ang ACT sa Pangulo na ipakita ang tunay na malasakit sa pamamagitan ng pag-apruba sa panukalang P50,000 entry-level salary, gaya ng ipinagkaloob noon sa mga pulis at iba pang uniformed personnel.

“Kung nagawa para sa iba, bakit hindi para sa mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng bansa?” pagtatapos ni Bernardo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here