Manila, Philippines – May sariling kuwento ring ibinahagi ang actor-director na si Fifth Solomon tungkol sa napapanahong usaping may kaugnayan sa pang-aabuso ng mga nagtatrabaho sa TV networks.
Si Fifth ang nakababatang kapatid na si Chariz Solomon, alumna ng artista search na Starstruck ng GMA.
Ibang kaso naman ng pang-aabuso ang naranasan ni Fifth na noo’y sumali sa isang reality show sa TV.
Disisyete anyos lang daw siya noon.
Paglalahad ni Fifth, pilit daw siyang pinaaamin ng baklang executive producer ng show tungkol sa kanyang tunay na kasarian.
Tinutukso daw siya nito ng: “Bakla ka, umamin ka na!”
Bale, gusto ng EP na gawin ni Fifth ang kanyang pag-amin sa TV at mismong sa harap ng mga kapwa niya contestants.
“Wala akong magulang na mapagsumbungan!
Nakakaloka…isang baklang power-tripper ng show, pilit pinaaamin na bakla rin ang isa sa mga contestant!” lahad ni Fifth.
Hanggang bago daw siya natanggal sa show (kung saan may process of elimination) ay kinukumbinsi pa rin daw siya ng EP na umamin.
Pero bigo raw ang EP sa gusto nitong mangyari.
Hindi man daw natuloy ang pag-a-out ni Fifth ay aminado siyang nagdulot ‘yon ng matinding trauma sa kanya lalo’t menor de edad pa siya noon.
Pang-aabuso ang terminong ginamit ng actor-director sa ginawa sa kanya ng EP.
Hindi naman binanggit ni Fifth kung sa network pa rin kunektado ang umano’y nang-abuso sa kanya.
Ang mahalaga’y noong napasali na raw siya sa Pinoy Big Brother, doon ay handa na siyang umamin na isa siyang gay.
Katwiran ni Fifth, ke aminin man niya o hindi ay pareho rin ang suma tutal: huhusgahan pa rin siya ng tao.
Pahabol niya: “Dito pa sa mundong ayaw magpakatotoo ang mga taong takot sa totoo…true?” Ronnie Carrasco III