Home NATIONWIDE Administrasyong Marcos, naglalaan ng P197.3 B para sa mga daambakal

Administrasyong Marcos, naglalaan ng P197.3 B para sa mga daambakal

1
0

MANILA, Philippines – Iminumungkahi ng pamahalaan ang P197.3 bilyong pondo para sa railway infrastructure sa 2027 upang mapabilis ang pagpapatupad ng malalaking proyekto sa riles sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang panukalang pondo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang sektor ng transportasyon at pagandahin ang sistema ng pampublikong sasakyan.

Sinabi ni Castro na inaasahang mapapabilis ng karagdagang pondo ang pagpapatayo ng North-South Commuter Railway (NSCR) System, na magbibigay ng mas mabilis, maayos, at maginhawang biyahe para sa mga commuter.

“Ang hakbang na ito ay para pabilisin ang pag-usad ng North-South Commuter Railway System na inaasahang magpapagaan sa biyahe ng mga commuter at magpapasigla sa ekonomiya ng bansa,” ani Castro.

Sa ilalim ng Fiscal Year 2027 National Expenditure Program, nakalaan ang P123.84 bilyon para sa NSCR Project, na mag-uugnay sa mahahalagang lugar sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, at Laguna.

Kasama rin sa panukalang badyet ang P67.44 bilyon para sa Phase 1 ng Metro Manila Subway Project, na inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng matinding pagsisikip ng trapiko sa National Capital Region at magbibigay ng mas episyenteng alternatibo sa kasalukuyang mga ruta ng pampublikong transportasyon.

Kabilang din sa mga proyektong riles na bibigyan ng pondo ang P1.17 bilyon para sa Light Rail Transit Line 1 Cavite Extension Project, P1.94 bilyon para sa Metro Rail Transit Line 3 Rehabilitation Project, at P603 milyon para sa Light Rail Transit Line 1 South Extension Project.

Ayon sa Palasyo, ang mas malaking pamumuhunan sa railway infrastructure ay bahagi ng pangako ng administrasyong Marcos na gamitin ang pondo ng bayan upang mapabuti ang mobility, mabawasan ang oras ng biyahe at pagsisikip ng trapiko, mapalakas ang koneksyon ng mga komunidad, at suportahan ang paglago ng ekonomiya.

“Ito ang mithiin ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here