MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malakanyang na may sapat na kakayahan ang pamahalaan na bayaran ang mga utang ng bansa, dahil karamihan sa mga ito ay may long-term repayment period.
Sa harap nito, patuloy na isinusulong ng administrasyon ang mga reporma sa buwis upang mapalakas ang kita ng pamahalaan at mas maayos na mapangasiwaan ang public debt.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang panukalang Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) ay isa lamang sa mga bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon para sa reporma sa buwis.
Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na layunin ng ProGRESS Bill na magbigay ng makabuluhang tax relief habang pinapalakas ang revenue capacity ng pamahalaan upang matustusan ang mahahalagang serbisyo publiko at mga pangmatagalang programa para sa pag-unlad ng bansa.
Binigyang-diin ni Castro na sapat sa kasalukuyan ang kita ng pamahalaan upang matugunan ang mga obligasyon nito sa utang sa tamang panahon.
“Sapat po sa kasalukuyan ang revenues o kita ng gobyerno para matugunan ang obligasyon natin sa utang sa tamang panahon,” ani Castro.
Ipinaliwanag ni Castro na hindi kailangang bayaran agad ang malaking bahagi ng kasalukuyang utang dahil karamihan sa mga ito ay may long-term repayment period, kaya maaaring unti-unting bayaran ang principal at interes.
“Majority ng ating mga nautang ay may long-term repayment. So, hindi naman po agad-agad babayaran ito, maaaring paunti-unti at para mabayaran din po ang interest at ang principal,” dagdag ni Castro.
Nilinaw din ni Castro na hindi lamang ang ProGRESS Bill ang hakbang ng gobyerno upang mapamahalaan ang public debt.
Kabilang din dito ang iba’t ibang reporma sa buwis na maaaring magpalakas sa kita ng pamahalaan at makatulong sa pagpapanatili ng katatagan ng pananalapi ng bansa.
Ayon kay Castro, ang pagbabawas ng income tax para sa ordinaryong manggagawa at maliliit na negosyo ay maaaring magbigay sa mga taxpayer ng mas malaking disposable income, na maaaring magpalakas sa pagkonsumo at aktibidad ng ekonomiya. Kapag mas umiikot ang pera sa ekonomiya, maaari rin itong magresulta sa karagdagang kita para sa pamahalaan.
Bukod sa ProGRESS Bill, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang iba pang panukala, kabilang ang pagtaas ng excise tax sa distilled spirits, buwis sa electronic cigarettes, bagong levies sa vape devices at novel tobacco products, at pagtaas ng buwis sa mga produktong plastik at sasakyan.
Ayon kay Castro, kabilang ang mga ito sa mga repormang maaaring makatulong sa pamahalaan na pangasiwaan ang kasalukuyang utang habang pinananatili ang aktibidad ng ekonomiya.
Binigyang-diin din ni Castro na malaking bahagi ng kasalukuyang pampublikong utang ay minana mula sa mga nakaraang administrasyon.
Para sa karagdagang detalye tungkol sa usapin ng public debt, sinabi ni Castro na ang Department of Finance (DOF) ang nararapat magbigay ng opisyal na paliwanag.
Sa kabila ng mga panukalang reporma, iginiit ni Castro na sapat sa kasalukuyan ang kakayahan ng bansa na tugunan ang mga obligasyon nito sa utang. (KRIS JOSE)