MANILA, Philippines- Layon ng Commission on Elections na makakuha ng international certification para sa Automated Election System (AES) bago ang pagtatapos ng Marso.
Inihayag ni Comelec Chairman George Garcia na ang sertipikasyon ay nagsisilbing patunay na ang election process– kabilang ang transmission, voting machines at internet voting– ay “reliable, efficient at well-coordinated.”
Sa nagdaang halalan, nakakuha ang Comelec ng international certification ilang araw bago ang election day ngunit para lamang sa dalawang sistema, hindi kasama ang internet voting.
Ngayong taon, ipatutupad ang internet voting para sa overseas Filipino voters para sa unang pagkakataon.
Nakatakdang dumating sa bansa ang international certifier sa Lunes upang saksihan ang sealing ng election source code.
Sinabi ni Garcia na ang overseas voters ay kailangang mag-enroll para sa kanilang password, at ipakita ang kanilang government issued-IDs para sa beripikasyon.
Samantala, welcome naman sa Department of Foreign Affairs ang desisyon ng Comelec na ilipat ang pre-enrollment period para sa OVCS mula Marso 10 sa Marso 20, 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden