Home NATIONWIDE AFP ‘di matitinag sa kabila ng probokasyon ng Tsina – spox

AFP ‘di matitinag sa kabila ng probokasyon ng Tsina – spox

MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo na ipagpapatuloy nito ang pagpatrolya at surveillance operations sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, kasunod ng “dangerous and provocative actions” ng air force ng China sa lugar.

“With this incident, we affirm our commitment na patuloy nating i-eexercise ang ating rights sa lugar na ‘yan [we will continue to exercise our rights in that area] in accordance with the international law, particularly the UNCLOS [United Nations Convention on the Law of the Sea] and Chicago Convention — ‘yan ang nag-gogovern sa [that governs the] freedom of overflight,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Padilla sa isang panayam.

Nagsagawa ang dalawang People’s Liberation Army (PLA) Air Force aircraft ng dangerous maneuvers at nagbagsak ng flares sa daraanan ng isang NC-212i Philippine Air Force (PAF) propeller aircraft na nagsasagawa ng routine maritime patrol sa Scarborough Shoal bandang alas-9 noong Huwebes, base sa AFP noong Sabado.

Bagama’t walang napahamak na tauhang sakay ng aircraft, binigyang-diin ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na hinarangan ng Chinese aircrafts ang “lawful flight operations” at nilabag umano nito ang international law sa aviation safety.

Subalit ayon sa Southern Theater Command ng Chinese PLA, ang Philippine aircraft, “despite repeated warnings from China, insisted on illegally intruding into the airspace of Huangyan Island,” na nakaantala umano sa training activities.

“The on-site operation was professional, abided by norms, legitimate, and legal,” giit ng PLA, at hinimok ang Pilipinas na tigilan ang tinawag nitong probokasyon.

Iginiit naman ni Padilla na ang aksyon ng China air force ang “provocative” sa pagbagsak nito ng flares.

“Provocative ang actions nila… Do’n sa path nila (PAF) ni-release itong mga flares na ito,” anang opisyal.

“Nag-contravene ito sa international law and regulations that is governing the safety of aviation. Ito ang very reason kung bakit tayo nagko-conduct tayo ng mga joint maritime exercise, multi-lateral exercises because we want to preserve freedom of navigation and overflight in those areas,” ayon pa kay Padilla.

Base sa AFP, naiulat na nito ang insidente sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa kaukulang government agencies.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Chinese Embassy ukol dito. RNT/SA