Home NATIONWIDE AFP ‘di matitinag sa pagsasagawa ng misyon sa PH territory

AFP ‘di matitinag sa pagsasagawa ng misyon sa PH territory

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagpapatuloy nito ang pagsasagawa ng mga misyon sa mga lugar na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas, sa kabila ng pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay AFP deputy chief of staff Lt. Gen. Sean Gaerlan, magpapatuloy ang mga misyon kaya naman kinakailangan nila ang suporta ng mga Pilipino.

“We continue to deploy our forces — ‘yung ating mga Navy, ‘yung ating mga Air Force in that area to show that we really own that area,” anang opisyal base sa ulat nitong Linggo.

“So kahit ano man mangyari na incidents, we continue to do our missions there, that is why we are asking the Filipino people to support us,” dagdag niya.

Nitong Linggo, binangga ng vessels ng Chinese Coast Guard at ginamitan ng water cannons ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) patungo sa Escoda o Sabina Shoal.

Saklaw ang lugar ng 200-nautical mile EEZ ng Pilipinas sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.

Matatandaang hinamon ng Pilipinas ang China noong 2013 sa pag-angkin ng huli sa West Philippine Sea, kung saan nagtagumpay ang Manila sa landmark ruling ng international tribunal na bumasura sa claims ng Beijing.

Subalit, patuloy ng pagbalewala ng China sa desisyon. RNT/SA