MANILA, Philippines- Nangako ang Senate subcommittee on finance nitong Martes na isusulong ang mas mataas na budget para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa 2025 sa gitna ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).
“It’s a tall order but we will try at least from the Senate’s side to increase the defense spending,” pahayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pangunguna niya sa budget hearing.
Inihayag naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na orihinal na ipinanukala ng kanyang ahensya ang P245 bilyon para sa AFP modernization upang suportahan ang paglipat sa territorial defense at sa comprehensive archipelagic defense concept.
Subalit, aniya, tanging P75 bilyon lamang ang inaprubahan sa ilalim ng National Expenditure Program.
Dahil dito, inihayag ni Senator JV Ejercito ang pagkabahala sa pagtapyas sa budget sa modernisasyon ng militar.
“Para sa akin kung priority program dapat nasa line item and because of the precarious situation on the WPS, all the more that we have to prioritize and give importance to the AFP modernization program,” giit ni Ejercito.
Upang dagdagan ang budget, hiniling ni Dela Rosa sa Department of National Defense (DND) na magbigay sa Senate panel ng “wish list” ng priority projects.
Inaprubahan ng Senate subcommittee ang pagsusumite ng panukalang P258.16 bilyong budget ng DND para sa plenary deliberation. RNT/SA