MANILA, Philippines- Nananawagan ang food manufacturers at bakers sa Department of Trade and Industry sa pinaniniwalaan nilang “long overdue” na price hike sa sardinas at sa tinapay, kapwa itinuturing na staple food ng maraming Pilipino.
Batay sa ulat nitong Martes, isinusulong ng Sardines Association of the Philippines ang hanggang P3 dagdag-presyo sa sardinas.
“Nag-increase ng minimum wage, tapos ang [presyo ng] gasolina up and down… Fish was only costing less than, about P21, P22. Ngayon, over P30, mag P40 na ata eh ang isda,” pahayag ni CSAP spokesperson Bombit Buencamino.
“’Yun aming hinihinging P3 noong araw, about two years ago, was never granted… and that forced closure of some suspension of operation of some plants,” dagdag niya.
Samantala, inihirit din ng grupong PhilBaking ang P5 price increase sa Pinoy tasty bread at pandesal matapos ang mahugit isa’t kalahating taon ng fixed prices sa gitna ng nararanasan umanong hirap ng bakers sa pag-subsidize sa presyo ng abot-kayang tinapay.
“Based on our volume, malaki po ang binaba. More than 50% po ang output ang nawala dahil we are subsidizing this product, Pinoy tasty. Ang tumaas po asukal, syempre labor cost, tapos yung fuel may time na mataas,” ani PhilBaking president Jon Chua.
“Hindi na talaga namin kaya. Baka mas kaunti pa supply sa Pasko, kasi mas malaki mawawala sa mga bakeries, kasi subsidized po siya,” patuloy niya.
Inihayag naman ng Department of Trade and Industry na binubusisi nito ang posibilidad ng dagdag-presyo sa 60 iba’t ibang produkto. RNT/SA