MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na ang sagupaan sa Sumisip, Basilan ay hindi nakaapekto sa normalization program ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) alinsunod sa peace agreement sa rebel group
“Under investigation ito. But ito kasing buong proseso ng peace process hindi ito na-hamper with this incident. Ang gusto nating mangyari dito is ma-resolve na nga itong issue that came at hand na unexpectedly,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla sa isang press briefing.
Bahagi ang Normalization Program ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, nilalayong baguhin ang MILF combatants bilang “peaceful and productive civilians” at kanilang mga lugar bilang “progressive and resilient communities.”
Noong Enero 22, dalawang sundalo at dalawang lawless elements ang napatay sa engkwentro nang atakihin ng dalawang armadong grupo kabilang ang umano’y MILF members, ang 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Sinabi ni MILF’s Peace Implementing Panel chairperson Mohagher Iqbal na posibleng ang engkwentro ay bunga ng kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Subalit, nanindigan si Brawner na nagkaroon ng koordinasyon sa MILF.
“Ito nga is being an isolated incident. But kung nakita ninyo for so many years wala nang ganitong insidente. Wala tayong major incidents na naitala. So ang hope natin hindi na nga ito maulit with both parties na mag-adhere sa lahat ng provisions being in the normalization process at this stage,” ayon naman kay Padilla. RNT/SA