Home NATIONWIDE DTI: Posibleng magdeklara ng food security emergency ngayong linggo

DTI: Posibleng magdeklara ng food security emergency ngayong linggo

MANILA, Philippines- Inaasahang mgdedeklara ng food security emergency ang National Price Council sa loob ng dalawang araw.

Inihayag ito ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagdinig ng Murang Pagkain Supercommittee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Kahapon, na-finalize ‘yung version. Okay na sa lahat. Kasi it’s more of the wordings lang kasi dumadaan lang sa the usual complete stuff,” sabi ni DTI Assistant Secretary Agaton Uvero .

Iniulat ng National Food Authority sa supercommittee na sa kasalukuyan ay mayroong 761,207 bags sako ng bigas na stock sa buong bansa.

Kabuuang 300,000 sako ang lumang stock habang ang iba ay regular stock.

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na sakaling maideklara ang food security emergency, maari nang mag-unload ng stocks– ito man ay regular o lumang stocks.

Sinabi ni Lacson na ibebenta nila ang aging stocks sa halagang P29 kada kilo at ang regular na stocks ay P38 kada kilo sa iba’t ibang Kadiwa stores at sa pamamagitan ng local government units.

Ang isyu ay naging paksa ng pagdinig ng Supercommittee dalawang linggo na ang nakakaraan, na nag-udyok sa ilang miyembro ng Kamara na ipahayag ang kanilang pagkadismaya na hindi pa idinedeklara ang emergency sa kabila ng mataas na presyo ng bigas. Jocelyn Tabangcura-Domenden