MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na naghanda ito ng search, rescue and retrieval (SRR) teams bilang paghahanda sa epekto ni Bagyong Marce (international name Yinxing).
“Sa panig po ng AFP, kami po ay naghanda at nag-preposition ng ating mga SRR teams, ngayon po sa area ng Northern Luzon, meron po tayong mga 305 na SRR teams nakadeploy. Ready na po silang tumulong sa ating mga kababayan (kapag) dumating po ang bagyong Marce,” pahayag ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Bukod sa mga tauhang ito, sinabi ni Brawner na inihahanda na rin ng AFP ang “airlift capabilities” nito tulad ng C-103 transport aircraft na maaaring magamit sa paghahatid ng kinakailangang relief goods at non-food items.
Bukod sa fixed-wing assets, inilahad ng AFP chief na pitong “Black Hawk” helicopters ang nakahanda para maghatid ng pagkain at iba pang relief items sa isolated communities na hindi kayang abutin ng transport assets.
“Sa ngayon po, nagloload na po tayo ng food and non-food items dito po sa Subic, dun po sa dalawang barko natin na malalaki, ng Philippine Navy, at once makumpleto po ito ang pagload natin ng food and non-food items, kasama po dito yun mga construction materials, dadalhin na po nating ito sa Basco, Batanes,” dagdag ng opisyal.
Samantala, sinabi ni Brawner na patuloy ang relief operations sa mga lugar sa Bicol region na bumabangon pa rin mula sa epekto ni Severe Tropical Storm Kristine.
Dagdag niya, dalawang PN ships, may kargang food items at non-food items, ang nasa rehiyon na bilang bahagi ng relief efforts para sa mga komunidad na apektado ng bagyo.
“Marami pa hong ginagawang paghahanda ang AFP, yun pong mga rubber boats natin, nadeploy na rin po tayong ng mahigit na 30 na rubber boats sa area ng Northern Luzon,” sabi ni Brawner.
Tiniyak naman ng AFP chief ang patuloy na internal security operations laban sa local threat groups. RNT/SA