MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. matapos siyang patawan ng sanctions ng China kasama ang kanyang asawa at anak.
Ayon sa AFP, ang mga pahayag ni Teodoro sa Shangri-La Dialogue at iba pang international forums ay hindi umano “irresponsible remarks” kundi malinaw na pagpapahayag ng international law, ng 2016 Arbitral Award, at ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sinabi ng AFP na ang parusa ng China ay isang pagtatangkang takutin at patahimikin ang mga nagsasalita laban sa umano’y iligal at mapilit na kilos nito sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Noong Huwebes, inanunsyo ng China na pinagbabawalan si Teodoro at ang kanyang pamilya na makapasok sa mainland China, Hong Kong, at Macau dahil sa umano’y mga maling pahayag nito tungkol sa China. Ayon sa Beijing, ginawa ito upang protektahan ang pambansang soberanya, seguridad, at interes ng bansa.
Iginiit naman ng AFP na hindi sila matitinag ng anumang dayuhang presyon at patuloy nilang gagampanan ang tungkulin na ipagtanggol ang teritoryo at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi ni Teodoro na ipagpapatuloy niya ang kanyang trabaho at pagtatanggol sa interes ng bansa sa kabila ng sanctions. Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), bagama’t karapatan ng China ang magpataw ng ganitong hakbang, naniniwala silang hindi ito tama.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang Stratbase Institute. Ayon kay Dindo Manhit, hindi dapat pinaparusahan ang isang opisyal ng Pilipinas dahil lamang sa pagtatanggol nito sa karapatan ng bansa sa ilalim ng international law.
Matatandaang noong nakaraang taon ay pinatawan din ng travel ban ng China si Francis Tolentino dahil sa kanyang papel sa pagsusulong ng mga batas ukol sa maritime zones at sea lanes ng Pilipinas.
Noong 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, ngunit hindi kinilala ng China ang naturang desisyon. RNT/MND