Home HOME BANNER STORY NDRRMC: 46 kumpirmadong nasawi sa Mindanao quake, 38 nawawala pa

NDRRMC: 46 kumpirmadong nasawi sa Mindanao quake, 38 nawawala pa

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 46 katao lamang ang kumpirmadong nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Southern at Central Mindanao noong June 8.

Sa pinakahuling ulat nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng NDRRMC na 688 katao ang nasugatan habang 38 pa ang nawawala.

Mas mababa ito kumpara sa naunang ulat na 55 patay at 1,120 sugatan.

Ayon kay Office of Civil Defense Information Officer Diego Mariano, ang ilang bilang na dating naitala bilang mga nasawi ay dapat palang maisama sa listahan ng mga nawawala. Patuloy rin aniya ang beripikasyon ng mga ulat kaya nagbabago ang datos.

“The changes are due to continuous validation of reports po, kaya magkakaroon po talaga ng pagbabago sa numbers po,” ani Mariano.

Samantala, maraming gusali sa Central Mindanao at Davao Region ang gumuho o idineklarang hindi ligtas matapos ang lindol. Kabilang dito ang isang gusali ng Notre Dame of Dadiangas University sa General Santos City, pati isang fast-food outlet at supermarket na bumagsak.

Naitala rin ang isa pang magnitude 5.1 na aftershock sa karagatan malapit sa Maasim, Sarangani, na ayon sa Phivolcs ay kaugnay pa rin ng malakas na lindol noong Lunes.

Naramdaman ang Intensity II sa General Santos City at Intensity I sa ilang lugar sa Sarangani at South Cotabato.

Ayon sa Phivolcs, hindi ito ang unang malakas na aftershock matapos ang lindol, dahil isa pang magnitude 5.1 na pagyanig ang naitala sa Sarangani noong Miyerkules. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here