MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes ang pagbubukas ng mga bagong embahada ng Pilipinas sa Astana, Kazakhstan at Accra, Ghana bilang bahagi ng pagpapalawak ng diplomatikong ugnayan ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa tradisyunal na Vin d’Honneur sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na layunin ng hakbang na palawakin ang “diplomatic footprint” ng Pilipinas.
“As an integral part of widening our diplomatic footprint, I am very pleased to announce that this year we will open our new embassies in Astana, Kazakhstan, and Accra,” ayon kay Marcos.
Dagdag pa niya, plano rin ng administrasyon ang pagtatatag ng bagong konsulado sa Miami, Florida upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga Pilipino sa Estados Unidos, Southeast Asia, at Caribbean.
Ayon sa Pangulo, inaasahang magbibigay ang mga bagong embahada ng mas mabilis na konsular na serbisyo para sa mga Pilipino sa abroad, at magbubukas din ng mas malawak na oportunidad sa ekonomiya, kultura, at relasyong pampulitika sa mga host country.
Ang Vin d’Honneur ay isinasagawa dalawang beses sa isang taon—tuwing Enero para sa Bagong Taon at Hunyo para sa paggunita ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. RNT/MND